Oct 29, 2007

Recycled entry

Sinulat ko ito noong November 10, 2005 sa dati kong blog.
------------------------------
"Coming Home"

October 15 noon.

Hawak ang malaking maleta ko sa kanang kamay,at ang gusgusing bag ko sa kabila, ready na kong umuwi."Dayo asan ka na paalis na tong bus", paulit ulit na text ni kuya James sa akin. Nagmadali akong pumunta sa victory sakay ng isang pedicab. Masama pa yata ang loob ng pedicab driver sa binigay kong bente sa kanya. Pagpasok ko ng bus nakita ko agad sina ate Emlot,si Oyet, si kuya James, ang asawang nyang si ate Lanie at ang cute na baby nilang si Neil. Wow! Ngayon lang uli ako may makakasabay sa paguwi. Madalas kasi ay magisa lang ako. Wala pang isang minuto akong nakasakay ay umandar na ang bus. Sakto!

Pananabik ang lagi kong nararamdaman sa tuwing uuwi ako sa probinsiya. Ilang buwan ko ring namiss ang kakulitan ng mga kapatid ko, ang mga pangaral(o pagalit?) ni nanay, ang mga kuwentuhan namin ni mommy, ang panonood namin ng game ka na ba ni mama tess at siyempre ang mga payo at jokes ni mama sabay ang mga hirit niyang may "diba deeyo?" sa dulo.
Pero iba ngayon eh, hindi pananabik o saya lang ang nararamdaman ko. May isang boses na paulit ulit kong naririnig. Isang boses na kilalang kilala ko, ang boses ni mama ng tinawagan ko siya kaninang umaga.

"Wala na si Inang."

Ang sabi niya habang di niya napigilang umiyak matapos niya itong sabihin. Kakaibang kirot ang naramdaman ko matapos kong maring yun. Kirot na paulit ulit ko pa ring nararamdaman sa tuwing naririnig ko ang boses ni mama habang nakasakay sa bus. Paunti ng paunti ang sakay ng bus habang palapit na kami sa Roxas. Matapos ang sampung oras na byahe, kaming magpipinsan na lang ang bumaba sa paradahan. Pagbaba ko ay naroon na ang Tito ko para dalhin kami sa Nuesa. Sa bahay ng Inang,na noon ay punong puno ng maliliwanag na ilaw kahit na umaga pa lamang. Wala na nga ang Inang. Alam ko na sa kanyang paglisan ay baon niya ang makukulay na kwentong lagi niyang binabahagi sa amin noong bata pa kaming magpipinsan. Ang iniwan niya ay ang aming mga alaala ng isang babaeng inuuna ang pamilya bago ang sarili.

-----------------------------

Ngayong darating na undas, sa gitna ng pagkain ng puto at paginom ng kape, sigurado akong lagi naming mapapagkuwentuhan kung gaano naging mabuti at maalaga sa amin si Inang. Ipagdasal natin lahat ng ating mga mahal sa buhay na hindi na natin kasama ngayon. At 'sing halaga nun, ipakita natin sa mga kapiling pa natin kung gaano natin sila kamahal.

Oct 26, 2007

Dahil ayoko ng politics

Napipilitan lang akong pagusapan ang pulitika dati sa school o kaya sa mga taxi drivers na umagang umaga pa lang, mainit na ang ulo. Ang ending badtrip na rin ako pagbaba dahil sa lakas ng boses ni manong at sa radio announcer na walang ginawa kundi gatungan ang galit niya. Bukod sa nakakataas ng presyon ng dugo ang pulitika, ayaw ko rin 'tong pagusapan dahil kahit anong galing ko pa, wala din naman akong magagawa kundi patuloy na mayamot habang pinakikinggan ng kapareho kong wala ring magagawa. Pero kakaiba 'to, dahil di ko na kayang hindi magsalita.

Dear Erap,

Ako si Abad. Hindi pa tayo nagkikita, asa probinsya pa kasi ako nung huling asa laya ka. President ka pa nga nun eh, ngayong nakalaya ka nanaman, asa probinsya nanaman ako. Hindi din kita ganong kilala, may assignment ako dati tungkol sa'yo at naaalala ko lang na sinabi kong ang pinakamalaking problema ng iyong lideratura ay ang problema mo sa mata at tuhod. Pasado naman ako, baka may sira din ang mata ng teacher ko.

Kumusta ka na? Masarap ba ang hinandang mga pagkain ni Loi sa'yo? Sigurado akong hindi mo nakakakain ang mga iyan sa loob... Hindi rin. Sana magenjoy ka sa buhay mo dito sa labas. Nakakatawa nga, mas madalas ka pang mag out of town at lumabas ng bansa kesa sakin kahit nakakulong ka. Pupusta akong mas malaki din ang kuwarto mo sa rest house mo kesa sa kwarto ko. Naghirap ka nga siguro ng sobra, kawawa ka naman.

Kaninang pinapanuod kita sa tv naalala ko bigla yung mga preso sa bilibid na binisita namin nung second year ako sa UST. Sila siksikan sa selda, tipid sa pagkain at masaya na kung may regular na dalaw. Kung makalaya man sila, hindi na siguro sila maghahangad pa ng engrandeng pagsalubong. Swerte na nga sila kung meron pang tutanggap sa kanila sa trabaho. Malas lang nila at hindi sila dating presidente. Malas lang nila at walang mapapala ang palasyo kung makalaya man sila.

Masaya ako at nakalaya ka na. Para na rin siguro ito sa kabutihan ng nakararami--Ikaw at si Gloria, ang bago mong bff. Ingat ka ha. Huwag ka ng magpapahuli uli. Pero kung mahuli ka man, wag ka magalala, makakalaya ka rin naman siguro. Sige hangang dito na lang, ihahanda ko pa ang letter ko para kay Jalosjos. Maganda na yung prepared, alam mo naman tayo dito, naglolokohan na lang.

Love,
Abad

Oct 24, 2007

Para sa mga hindi makatulog

Hindi normal sa akin ang matulog ng maaga dahil nga may sleeping disorder ako na kung tawagin ay Delayed Sleep Phase Syndrome. Ibig sabihin hindi normal ang sleep-wake cycle ko. Madalas kahit gustong gusto ko nang matulog patuloy akong ginugulo ng mga kung anu anong ideya na hindi ko naman ikayayaman. Binubuksan ko na lang ang tv o computer at naghihintay na kusang dalawin ng antok. Madami na akong nasubukang remedyo para makatulog sa tamang oras, pero ika nga ng nanay ko "wa epek". Hindi man sila umepekto sakin, malay mo sayo magwork.

Nakakatulong daw ang paginom ng isang baso ng gatas before bedtime. Mas ok daw kung may kasamang honey, yung galing sa pulot-pukyutan ha, baka ibang honey naman ang iniisip mo, mas lalo kang hindi makakatulog agad nyan. Hindi 'to pwede sa akin kasi Lactose Intolerant ako. Ang saklap nga kasi di pwede sakin ang masyadong maraming ice cream saka creamer sa kape. Kaya kung may naalala kang pagkakataon na nagtagal ako sa C.R. pagkatapos natin magkape, alam mo na ngayon ang nangyari.

Pwede ka ring magbilang ng kung ano ano. Sigurado ako narinig mo na ang pagbilang ng tupa ng tumatalon sa bakod.Hindi ko alam kung sinong walang magawa ang may pakana ng pagbibilang ng tupa pero wa epek din yun sakin. Sa opinyon ko mas effective ang pagbibilang ng pabaligtad mula 100. Sinubukan ko 'to dati at medyo inantok nga ako. Huwag na huwag bibilangin ang utang mo dahil pupusta akong hindi ka lalo aantukin nyan.

Melatonin ang tawag sa food supplement na iniinom ko. Ang alam ko, over the counter drug yun kaya kung hindi ka na talaga makatulog subukan mong uminom thirty minutes before bedtime. Ingat lang sa oras ng paginom dahil pwedeng lumala ang problema mo sa pagtulog kung mali sa oras. Hindi ito sleeping pill kaya kung may balak kang tumira ng marami, 'wag pare, para kang suminghot ng Elmer's glue nyan imbes na rugby. Mas ok kung humingi ka na lang ng prescription sa doktor. Effective sana ito sa akin kaya lang madalang kung inumin. Nakakaantok kasi.

Ang huli at pinaka epektibo sa lahat ay ang, (drumroll) pagrereview. Tama! Inaantok ako agad pag nagbabasa ng notes o kaya naghahanda para sa exam. Parang pinaghalu-halong epekto ng Melatonin, gatas, honey at pagbibilang ng 100 pabaligtad. Sayang nga lang at madalang ko lang gamitin ang teknik na ito. Pag wala pa ring umepekto sa lahat ng ito matapos mong subukan, isa na lang ang natitira mong option. Alak, maraming maraming alak.

-edit-

Hindi daw disorder ang DSPS sabi ng doktor ko dahil syndrome nga lang daw ito. Mas maganda kasing excuse pag sinabing disorder kaya disorder ang ginamit ko.

Oct 21, 2007

Semestral Break espeysyal

Para sa maraming estudyanteng kakilala ko, sobrang saya at kaabang-abang ang sem break. Ibahin niyo ako. Bakit?

Una, halos lahat ng bagay na pwedeng magawa sa sem break ay nagagawa ko naman kahit may pasok. Ilan na dyan ay pagtulog hanggang sa gusto ko, hindi paggawa ng assignments at panghingi ng pera. Hindi ko ito pinagmamalaki, nagsasabi lang ako ng totoo.

Pangalawa, masaya ako dati dahil tuwing sem break lang ako nakakauwi sa bahay namin sa Roxas. Ngayon na sa Tuguegarao na ako nagaaral, kaya ko nang umuwi tuwing Sabado, kahit araw-araw pa nga kung balak kong magpagod.

Pangatlo, lahat ng bakasyon ko sa eskwela ng nakaraang taon ay mga panahong kailangan kong maghanap muli ng bagong mapapasukang kolehiyo. Mga panahon ng pagkalito at pangangapa ng direksyon. Mga panahong kailangan kong magmukhang walang pakialam sa kabila ng takot na baka ito na ang huling pagkakataong meron ako para magbago. Mga panahong hindi ko mapigiling sisihin ang sarili ko sa di pagtupad sa pangakong hindi ko na muling hahayaang masayang ang lahat, hindi na muli ako babalik sa mga gawi kong nagbibigay saya ngunit siya ring sumisira rin sa akin, at sa pangakong hindi ko na hahayaang muling masaktan pa ako at ang mga nagmamahal sa akin, ng dahil sa sarili kong mga desisyon. Mga panahong hindi ako pinatutulog ng gunita na hindi ako karapatdapat mabigyan ng isa pang pagkakataon. Nais kong sabihin na hindi ito tulad ng mga panahong iyon, pero hindi ako magsisinungaling. Dahil ngayon, pakiramdam ko'y hindi man lang ako nagugulat habang pinanunood kong muli ang sarili kong tumatalon sa bangin.

Oct 16, 2007

Kakain ka ba kung ang dinuguan sa hospital cafe ay naka-categorize bawat blood type?

Mahigit isang linggong naospital yung kapatid kong si Buldang dito sa Tuguegarao kaya madalas ako sa ospital this week. Salamat sa Diyos at magaling na siya ngayon. Sino ba kasi ang nagpauso ng dengue? Tama sila, hindi lahat ng uso mabuti. Dapat hanapin mo yung bagay sayo. Labo?

Kaawa-awa naman ako, natatawa ako sa sarili kong kastupiduhan. Parang kaninang madaling araw, hindi ako makatulog, naisip kong itext ang lahat ng kakilala ko ng " Tulog ka ba? Please textback if yes." Nung isesend ko na nalala ko paubos na load ko. Kaya tumawa na lang ako magisa. Malamang kung sinend ko yun may magrereply, magaling ako pumili ng kaibigan eh.

Akala ko wala ng kuwenta yung previous posts ko. Kaya ko pa palang magsulat ng mas basura tulad nito.

Oct 8, 2007

Sari-saring kabadtripan at kahayupan

Yehey! Nanalo si Pacquiao! Mawawala na ang lahat ng problema natin, aahon na tayong lahat sa hirap at hindi na ako maghahanap ng barya sa bulsa ng maduduming pantalon ko pag paubos na ang allowance ko. Makikipagsabayan na tayo sa mga mayayamang bansa at kukuha na tayo ng maid galing sa Thailand o kung san pa man. Hindi na rin kailangan mangurakot ng mga pulitiko, dahil..aahh.. nanalo si Pacquiao. Okay. Mali naman na hindi ako magpasalamat kay Pacquiao dahil kahit sandali lang, napapagisa niya tayong mga Pinoy bawat laban niya. Pero pag narinig nyo ang kuwento ko, baka mabadtrip din kayo.

Alam lahat ng Pinoy na noong nakaraang linggo ang laban ni Pacquiao. Lumuwas ng Manila yung nanay ko at mga kapatid ko para bisitahin ang Tita kong naoperahan. Kasama din nila yung dalawang Tita ko, kapatid ng lola ko, pinsan ko saka yung Stepdad ko. Kami lang ng Lolo't Lola ko ang naiwan saka yung dalawang aso na galit sa akin kahit pinakain ko naman sila ng de lata nung pasko, yung pusa namin na nakakatakot kasi nangangagat at syempre yung dalawang ibon na "pangit" lang ang alam sabihin. May pagong din kami kaya lang matagal ng walang nakakakita. Dahil nga kami ang naiwan kailangan kong magbukas ng tindahan ng nanay ko sa palengke. At dahil nga madalang akong magisip, iniwan ko yung tindahan nung laban na ni Pacquiao at lumipat sa tindahan ng lolo ko kung saan may tv. Nandoon ang kalahati ng populasyon ng buong palengke ng mga oras na yun. Nahulaan mo na ba kung ano ang nagyari? Kung hindi pa ay baka kasing dalang din kita magisip.

Nabawasan yung pera sa kaha pagbalik ko. Napakabait nung kumuha kasi hindi niya kinuha lahat, kinuha lang siguro niya yung kailangan niya. Di ba, ang considerate nyang magnanakaw? Akala siguro ng kumuha hindi ko mapapansin. Kahit naman hindi ako masyado nagiisip, alam ko pag pera-pera na ang usapan. Haha. At doon sa pagkakataon na yun ko napagdesisyunan na kay Pacquiao ko isisisi ang lahat. Kung hindi siya naglaro, mananakawan ba kami? Kasalanan ito ni Pacquiao. Boo. At wag kang magcocomment na kung hindi ko iniwan yung tinadahan ay hindi kami mananakawan. Ano ka nanay ko?

--------------------------------------

Barrera, man, anong problema mo? Kung hindi mo dinumihan ang laban mo kay Pacquiao baka naging commercial model ka pa ng sports drink o kaya beer dito sa Pilipinas. O kaya, food supplement para sa mga umeedad na tao. Para i-quote ang TV show na umuubos ng oras ko ngayon, "BURN!"