Dec 27, 2007

Dahil gusto kong manalo ng 15,000 pesos

Ang post na ito ay para sa Project Lafftrip Laffapalooza ni badoodles ng Kwentong Barbero .

Ang totoo niyan ay mahirap akong patawanin kaya medyo nahirapan ako sa paggawa ng post na ito. Isa o dalawa sa mga ito ang ginamit kong batayan sa pagpili:

Una syempre ang humor. Gusto ko ay yung hindi haha-funny lang na blog. Dapat ay may makukuha pa rin ako habang tumatawa. Pangalawa ay ang oras na ginugugol ng mga tao sa likod ng mga blogs. Dapat masuklian ang atensiyon na binibigay nila para mapasaya ang mga tulad kong lasing sa tulog dahil sa kawalan ng pagkakaabalahan. Kasali din sa pagpili ko ang posibilidad na makasali ang mga blogs na ito sa top ten para siguradong kasali ako sa raffle. Wais 'to. Hindi ko isinali ang mga mga blogs na kaibigan ng blog na ito dahil hindi ko kayo kayang i-rank at hindi dahil hindi kayo nakakatuwa para sa akin. Ang totoo niyan ay hamak na mas naaliw talaga akong basahin ang blogs ninyo. Ito ang limang napili ko:

1. Mr D. - Kakikita ko lang sa entry ni Xienahgirl at natawa kaagad ako kaya number one 'to para sa akin.

2. Gagopolis - Babalik-balikan.

3. Maruism - Mahusay, dapat asa TV ang blogger na ito.

4. Chona Mae - Siguro ay wala ng pakialam ang blogger na ito kung manominate siya. Naalala ko lang na ito ang nagpapatawa sa akin dati kaya inonominate ko pa rin. Mas gusto ko talaga ang classic na inday. To Chona, you said you are come back soon? When will your site be construct? Me and my friend is miss you.

5. Inday - Dahil mahal ng lahat si Inday.

Sali na rin kayo! Suportahan si Badoodles! Para sa karagdagang impormasyon ay magpunta lang sa page na ito http://kwentongbarbero.com/project-lafftrip-laffapallooza/

Maraming salamat kay Badoodles para masayang project na ito.

Dec 25, 2007

Pasko naman

Madalas nating gawing dahilang ang pasko para gawin ang mga bagay na malamang ay mas mabigat sa kalooban nating gawin sa ibang pagkakataon. Maraming magkakaaway ang nagkakabati, mga luhong napagbibigyan at biglang dumarami ang tao sa simbahan. Hindi man ito ang totoong kahulugan ng pasko ay nasanay na tayong gawin itong rason para makuha ang gusto natin. Kung ako ang diyos ay titisurin ko ang mga tao at sasabihing bakit ba paimportante kayo? Birthday niyo? Painom naman jan! Pero hindi ganoon ang diyos kaya swerte talaga tayo. Hindi ko pa nagagamit ang aking "pasko naman" card ngayong taon. Wala naman akong gustong ipabili at wala rin naman akong nakaaway. Kaya sandali ko munang babasagin ang aking katahimikan sa pamamagitan ng post na ito dahil pasko naman.

Hindi kaiba ang paskong ito sa mga pasko ng mga nagdaang taon. Ako ang nagluto para sa Noche Buena dahil pagod na ang lahat sa isang taon na pagkayod. Ito lang ang tanging panahon na makakapagpahinga ang pamilya ko ng isang buong araw at hindi kailangang gumising ng maaga para magtrabaho. Ito lang ang araw na kahit paano ay matitikman nila ang buhay ko. Siguro ay tipikal na simpleng pamilyang negosyanteng Pilipino kami. Maagang gumigising ang lahat para makapagbukas ng kanikanilang mga tindahan. Mula sa lolo at lola hangang kay Mama at sa lahat ng mga kapatid niya. Magkakape sa umaga at magkakape uli sa hapon pagkatapos ng isang araw na trabaho. Madalas kong tinitignan ang liksi at sipag nila sa pagtatrabaho at madalas na napapawari kung bakit parang iniwasan ako ng kasipagan na dapat ay naroon din sa dugo ko. Kung paanong hindi ko natutunang maging katulad nila. Madalas ko na lang iniisip na siguro ay darating ang araw na magagaya rin ako sa kanila. Alam kung iyon din ang madalas nilang sabihin sa kanilang sarili. Sa pagkakataong ito ay hihilingin ko na huwag akong pagsabihan tungkol sa kasipagan, determinasyon at disiplina dahil sa mga nabanggit ko, tutal, pasko naman.

Tulad rin ng mga nakaraang taon ay lalo pa nating pinayaman ang mga kompanya ng cellphone sa pagpapadala ng pareparehong mga mensahe ng pagbati, pasasalamat at simpleng pagpapapansin lang. Madalas kong pinagiisipang maigi ang ipapadala kong text message tuwing pasko. Iyon lang ang kaya kong ibigay kaya pinaghuhusay ko na. Sabi ko nga sa profile ko ay madalas sa pasko at bagong taon lang ako magtext sa mga kaibigan kong matagal ko ng hindi nakikita. Ang kaibahan ngayon ay bukod sa pagtetext sa mga kaibigan ay nakaharap ako sa computer at nagsusulat ng entry para sa mga kaibigan at kakilala sa loob at labas ng internet. Sa inyong lahat, maligayang pasko. Sa mga malayo sa mga mahal nila sa buhay, ipinapaabot ko ang aking pagmamahal at hangad ko na sana ay dumating ang pasko na makasama niyo na ang mga taong rason kung bakit kinailangan ninyong lumayo.

----------------------------
Maraming salamat kay Chuvaness para sa kaniyang e-card at free ad dahil ako ang kanyang
swerteng ronito. Salamat din kay Kotsengkuba para sa pagiging daan para makarating ang tag sa akin at higit sa lahat kay iRonnie para sa kaniyang oras at pagod para lalo pang mapalaganap ang pagkakaibigan ng mga bloggers ngayong pasko. Salamat at muli, maligayang pasko sa inyo!

To my Ronita Sharon Cheong, Maligayang Pasko from sunny Tuguegarao!

Dec 3, 2007

Noong bata pa ako ay hindi tumatagal sa akin ang mga laruan ko. Sabi nga ng nanay ko ay sigurado siyang pagkatapos ng tatlumpong minuto ay kung hindi sira ay hindi ko na papansinin ang bago kong laruan. Nakalakhan ko na yata ang ugali kong iyon. Napakabilis kong magsawa. Paalam muna.

Nov 30, 2007

Abad, anong pangalan mo?


Tuwing lilipat ako ng eskwelahan ay madali akong naalala ng mga propesor at mga opisyal ng unibersidad. Dahil yun sa taglay kong talino, kagandahang lalaki at di matatawarang sex appeal. Blog ko 'to. Bago ka magmarcha sa Makati at magbalak ng kudeta dahil sa nabasa mo ay uulitin ko, blog ko 'to. Bukod sa mga nabanggit ko, imposible akong hindi maalala dahil sa dalawang dahilan. Una, asa gate pa lang ako ay matatanaw mo na ako kahit na asa kabilang dulo ka pa ng eskwelahan. May taas akong anim na talampakan at dalawang pulgada at may timbang na katumbas ng dalawang tao. Lima kung si Mahal ang gagamiting batayan. Pangalawa, mayroon akong pangalan na parati man nating naririnig na bahagi ng pangalan ng Pinoy ay bihira namang gamitin bilang unang pangalan. Abad. First name ko yun.Marami na akong naging karanasan na nagsimula lang dahil sa pagkakaroon ko ng pangalan na apelyido ng marami. Ang iba sa mga ito ay nakakatawa at ang iba naman ay nakakapikon. Gayunpaman, tinatawanan ko na lang din kahit ano pa ang kahinatnan.

Sari-saring reaksyon ang naririnig ko sa tuwing magpapakilala ako. Madalas kong marinig ang mga gasgas na hirit tulad ng "Abad? A bad dog." Ang paborito kong bersyon nun ay yung tinext ng kaibigan ng kaibigan ko na namangha siguro sa pangalan ko kaya ako tinext ng "Abad. bad dog. Sit! Play dead!" kahit hindi naman kami magkakilala. Nang gumawa ng ingay ang TV ad ng mountain dew ay napalitan naman ito ng "Abad? A bad cheetah." Pero hindi mawawala diyan ang pinaka paborito ng lahat, ang "Abad? Jose Abad Santos." Tama, ang pangalan ko ay nakatatak sa lahat ng isang libong perang papel ng Pilipinas at sa likod ng mga Catleya notebook. Siguro naman ay alam mo na ang naging sikat na hirit sa pangalan ko ng sumikat ang kantang Bad day.

Marami din naman ang sadyang mausisa. Hindi ko na nabilang kung ilang beses akong natanong kung bakit yun ang pangalan ko o kung saang bansa daw ba ito kinuha. Ang totoo niyan, sa apelyido ng kumpare ng lolo ko sa tuhod kinuha ang pangalan ko. Hindi ito kasing kulay ng kuwento ng mga pangalang hinango sa bibliya o kaya ng mga sikat na mga taong kinain na ng lupa. Nang nag Asian Studies ako ay naisip kong isagot na sa Hyderabad o kaya sa Islamabad ako pinanganak para makasakay sa pagiging Asyano pero hindi ko na tinuloy.

Marami din akong nakakainis na kuwento dahil sa pangalan ko. Kumuha ako ng kopya ng Birth Certificate ko sa NSO hotline noong nakaraang Marso. Ito ang kapirasong naalala ko sa paguusap namin ng operator:

O: First name please?
A: Abad.
O:First name po.
A:Ah, Abad.
O:Ah, unang pangalan po nila. (may tono na parang nagsasabing Tanga! First name hindi apelyido)
A: Miss, alam ko po ang first name, Abad nga. A-B-A-D
O: Ano po ulit?
A:Abad. A-B-A-D (may tono na sinong tanga ngayon? asa unang apat na letra yan ng alpabeto palitan mo lang yung C ng A hindi mo pa ma-spell)

Sa paghanap naman ng rekord ko sa mga klinika at ospital ay madalas kong mahilo ang mga nars. Lagi kasi nilang sa A hinahanap ang rekord ko. Minsan kahit nahalata ko na ang kamalian nila ay hinahayaan ko lang na maghanap pa sila ng konti. Kapag nagsawa na ako ay saka ko sasabihing "Sa A niyo po yata hinahanap, Enriquez po ang surname ko."

Noong nakaraang sem naman ay pinatawag ako ng Accounting office sa SPUP dahil may kulang pa daw sa binayad ko. Gusto ko ng magamok dahil tandang tanda ko na binayaran ko ng buo lahat ng bayarin noong umpisa pa lang. Kahit anong pindot nila sa keyboard ng computer ay hindi lumalabas ang pangalan ko. Enriquez pala ang inencode na first name ko kaya hindi nila mahanap. Karma ko na siguro yun sa pagaaksaya ng panahon ng mga nars.

May iba namang tao na kahit matagal ko ng kakilala ay nalilito pa rin. Hinding hindi ko makakalimutan ang kaklase ko last sem na nagtanong sa akin ng"Abad, anong pangalan mo?" Parang naguluhan pa ako sandali bago nakasagot. Hindi kayang iproseso ng utak ko ang tanong niya. Nagtawanan ang ibang kaklase ko at sila na lang ang nagpaliwanag. Lagi rin akong napupuna kapag alphabetical ang ayos ng pagkakaupo namin sa classroom. Dapat daw sa harapan ako. Bibilang ako ng mga limang segundo bago nila maisip na Enriquez ang apelyido ko.

Ang propesora ko naman sa literatura noong 1st year ay naiilang daw sa pagtawag ng apelyido sa mga estudyante niya. Nagpaliwanag akong pangalan ko naman yun pero hindi daw siya talaga komportable. Ang ending, tinawag niya akong junior. Mali," juuuniyeeer" na talaga namang may halong pangungutya pa sa pinakamalaking estudyante niya sa klase.

Pero ang pinakamatindi sa lahat ng pagkalito ay ang text message ng sobrang ganda kong kaibigan na si Yenyen noong nakaraang Undas.

"abaaaaaaaaad!!! Natkot ako, my nkta akong lapida dito sa loyola nakalgy, enrique s. abad!! Saka k lng naalala. Katangahan nanaman!!!:)" Pati ako ay medyo natinag. Tignan mo nga naman, nakalikha ako ng kuwento dahil lang sa apat na letra.

Ikaw, anong kuwento ng pangalan mo?

Nov 28, 2007

Tags!



1st tag- Ronito Ronita

I'm tagging everyone here.

I got this tag from Kotsengkuba

*copy starts here*

How to Join?

  1. Fill up and submit the details of the form here.
  2. Copy and post the rules to your blog. Include the “backward list(a record of how the tag reached you) and add your name.
  3. Recruit for participants. Be sure to get their consent. Should they agree to join, add them to your “forward list” (bloggers you’ve convinced to join). Remind them to do item #1.

** Participants will be accepted until December 16 (Phil. time) only. On December 17, the organizer will email to you the details of your Ronito/Ronita. Send him/her a Christmas greeting via E-cards preferably on December 25. Should time be a constraint, you can send it earlier.

***Don’t forget to include this tag***

My Backward Link List (a record of how the tag reached me): iRonnie - Jeprocks - bluepanjeet - Kotsengkuba - “ Schoolhopper“ - "your name here"



Fill in your forward lists as necessary. Here’s mine:

My Forward Link List (bloggers who joined): Ignoramus Kingdaddyrich


*copy ends here*



---------------------------------------------------------------


2nd tag- Why do I blog? I'm tagging Ignoramus and The Deity on this one.

I was tagged by Iceyelo.

1. How long have you been blogging? I started blogging three years ago. It's so silly because my only reader was the same person that I'm with everyday. I started this blog last June but it was only last October when I started blogging regularly.

2. What inspired you to start a blog and who are your mentors? Clara introduced me to blogging. I can't think of any mentors. I guess I only learned from the blogs that i read frequently then. I started this blog so my friends won't ask me the same questions whenever I visit them. Instead of answering questions like "St. Paul? Di ba pambabae yun?" or "Pumapasok ka na bang gago ka?" every time I see them, I could just answer them here. Too bad very few of them read this crap.

3. Are you trying to make money online, or just doing it for fun? I'm blogging for fun.

4. Tell me 3 things you LOVE about being online. I love being online because 1.I have nothing else better to do. 2. It updates me with my friends' lives . 3. Free downloads.

5. Tell me 3 things you STRUGGLE within the online world.
1. I struggle with using codes. 2. The web has way too many better things to offer than stuffs I need for school so I always end up doing other things when I really should be doing my homework. 3. I can't think of any, but there's gotta be one more thing. Ahh, answering tags? It took me more than a week before I could answer this and I only came up with this? Haha.

Nov 26, 2007

Alaala ng mga bagyong nagdaan

Dear Ate Charo,

Hindi metaphorical ang title ko, bagyo talaga ang pagkukuwentuhan natin.

Ilang linggo lang matapos ang huling bagyo ay dinadaanan nanaman ang probinsya namin ng panibagong bagyo. Rinig ko ngayon si bagyong Mina habang nagpapapansin sa labas ng bahay namin. Ang dala niyang malakas na hangin na kumakalampag sa yero ng ilang kapitbahay at ang tunog ng tuloy tuloy na buhos ng ulan ang nagpapanatiling gising sa akin ngayon. Sabi ng PAGASA ay bukas pa darating ang bagyo. Mahirap talagang umasa sa kanila. Hindi na yata lilipas ang isang taon dito sa rehiyon dos na hindi kami mapeperwisyo ng bagyo. Kulang na lang ay isama sa kurikulum ng paaralan ang mga dapat gawin tuwing may bagyo.

Masaya ang bawat alaala ko ng bagyo mula sa aking pagkabata. Ito lang ang pagkakataon para sa pamilya ko na makapagpahinga at makatambay maghapon sa bahay. Masarap kumain ng sopas sa hapag kainang iniilawan lamang ng kandila habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Kuntento na din kami sa radyo dahil dati ay kaunting ulan lang ay mawawalan na kami ng kuryente. Sa bagay, hindi naman ganun kalaki ang pagbabago sa ngayon. Malamang nga ay bago ko matapos ang entry na ito ay mag brown out na. Noon ay naiinggit ako sa mga bahay na may generator. Generator ang sukatan ko dati ng estado sa buhay ng mga tao. Kung wala kayong generator, hindi kayo mayaman. Nang bumili sila tatay ng generator noong high school ko lang nalaman na mali ang haka haka ko.

Nang minsang pasukin ang bahay namin ng baha ay natuwa talaga ako. Yun na siguro ang pinakamalapit sa katuparan ng pangarap ko na magkaroon ng swimming pool ang bahay namin. Pinagmalaki ko pa yun sa mga kaklase ko pagkatapos. Hindi ko man lang ininda na nalugi kami dahil nabasa ang mga panindang abono sa bodega dahil doon. Wala akong kamalay-malay na may mga nawalan ng tirahan at mahal sa buhay dahil sa parehong bagyong pinanggalingan ng tubig na pinagtampisawan ko sa loob ng bahay. Yun ang pinakamalaking pagkakaiba ng mga bata sa atin. Hindi natin sila pwedeng husgahan kung nagagawa nilang maging masaya at walang pangamba sa isang araw na malilibre sila sa eskwela. Kahit madalas ay ang ibig sabihin nito ay pagkasira ng kabuhayan at ariarian nila at ng ibang tao.

Iba naman ang eksena ng tumungtong ako sa kolehiyo. Kung taga uste ka ay dapat kay Arnold Clavio ka tumutok kung may bagyo dahil siguradong alam niya ang sagot kung may pasok o wala. Noong asa uste pa ako ko natutunang kausapin si Arnold Clavio sa pamamagitan ng mental telepathy."Arnold, tinext ka na ba ng UST? Bilis, sabihin mo na bago ako maligo." "Arnold, wala pa ba? baka masayang lang pagpalit ko ng uniform." At pag handa na akong umalis saka niya sasabihing "Sa mga estudytante ng University of Sto. Tomas, walang klase sa lahat ng antas. Ito o, katetext lang, Hello sa inyo jan mga taga UST!" Makailang beses nangyari yun. Saka lang sila magkakansela ng klase pag papasok ka na o pag may mga estudyante na sa school. Sa susunod na araw naman ay madaling araw pa lang kakanselahin na ang klase para makabawi naman sa mga kawawang pumasok ng maaga ng nakaraang araw. Kung estudyante ka ay alam mo na ang karugtong ng kuwento. Magiging maaraw na at payapa ang kalangitan sa susunod na araw. Mapupuno ang mga malls ng mga estudyanteng nagpaalam sa nanay nila na magreresearch sa library.

Noon din nauso ang mga text na, "To all s2dnts, there will be no classes tomorrow, as seen on d news. pls pass. :)" Yung iba mas madetalye "Attention: The Comission in Higher Education had announced the suspension of classes on NCR and Bulacan today. For more info visit www.inq7.net . Good day." Meron ding kaswal "hoi, totoo daw na wlng pasok, tinxt ng kaibigan ko...hahaha. txt mo ung iba, inuman daw sa bahay nila kris" Sunod sunod yan kung dumating, nakakatulili na nga kung minsan. Ang mapapayo ko lang ay wag agad maniwala sa mga text message lalo na pag galing sa akin dahil madalas kong pangunahan ang DECS at CHED sa pagsuspinde ng klase. Gayunpaman, walang pagkakataong nagkamali ako. Minsan nga pakiramdam ko nakakarating sa PAGASA ang mga text ko. Kailangan ding basahin mo hangang kaduluduluhan ang mga ganyang uri ng mensahe dahil madalas ay may panggagago yan sa huli. Gaya nitong katatanggap ko lang,
" NEWS UPDATE: No classes and works on monday. 2 typhoons r xpected to hit the country ds wk. (a msg from PAG-ASA)








PAG-ASA ng mga tinatamad.
Pls. pakalat!"

--------

Tama nga ako, nagbrownout kagabi bago ko matapos 'tong entry. PAGASA alam kong nababasa niyo 'to dahil siguro ay friendster at bloghopping lang ang inaatupag niyo. Maaraw na sa amin ngayon. Sabi ninyo ngayon ang bagyo? Pero masaya akong nagkamali kayo.

Nov 22, 2007

Kuwento ng isang pakialamerong walang social life

Nadatnan mo na ba ang sarili mong nakaupong magisa sa isang kapihan at napawari kung ano kaya ang iniisip ng estrangherang nakaupo sa katapat mong lamesa tuwing hahalakhak siya? Nasubukan mo na bang hulaan kung ano ang ibig sabihin ng lalaki sa kabilang lamesa sa mga titig at ngiti niya sa babaeng kasalo niya sa hapunan? Habang nagsusulat ako ngayon at sinusulit ang pangatlong refill ng kape sa katangi-tanging kapihan sa Tuguegarao na may wi-fi ay hindi ko mapigilan ang sarili kong basahin ang galaw ng aking mga kasabay. Samahan ninyo ako sa aking pagkamangha sa mga mukhang malamang ay hindi ko na muling makikita ngunit minarapat ng mundong ito na makasabay ko ngayong gabi.

Tanaw ko ang lamesa sa kanang sulok ng smoking area na kinauupuan ko ngayon ang isang pares na nagkukuwentuhan at nagtatawanan matapos kumain. Mukhang Amerikano ang lalaki at ang babae naman ay hindi makakailang taga rito kahit pa nakatina ang buhok. Siguro ay sa internet sila nagkakilala dahil ganoon naman lagi ang mga nadirinig kong kuwento. Hindi man maliwanag ang parteng iyon ng establisimentong ito ay naaninag ko ang mapungay na mata ng babae sa bawat panakaw niyang pagtingin sa kanyang kaharap. Naisip kong hindi pa sila gaanong magkakilala kaya hindi pa niya ito matignan ng diretso. Naririnig ko ang kanilang magkaibang punto ng pagiingles at napatanong ako sa sarili kung nagkakaintindihan nga ba sila? Totoo kaya ang tawa ng babae o pinipeke lamang niya yun upang hindi mapahiya ang kasama? Kagustuhan kaya niyang sumama sa Amerikanong ito o kinailangan lang? Sa makailang pagtingin ko sa babae ay saka ko lang napansin ang kanyang ganda. Para bang nakita ko na sa kabila ng kanyang may kulay na buhok at makinang na damit ay ang isang simpleng probinsyanang naghahangad lang ng maayos na buhay para sa kanyang pamilya. Masyado na yatang malayo ang narating ko sa simpleng tanawin lang. Wala namang makakapagsabi kung ano ang tunay na hangad nila sa isa't isa kung hindi sila lang. Hindi naman imposible na ito ang simula ng isang masayang relasyon para sa kanila. Hindi rin malayong mangyari na kabaligtaran nun ang patutunguhan ng kanilang paguusap ngayon. Sino ba naman ako para humusga?

Sa loob naman ng coffee shop ay nakaupo ang kadarating lang na pares na abala sa paggamit ng laptop at mp3 player. Ilang dangkal lang ang layo nila sa isa't isa dahil pinagdidikit sila ng tig-isang piraso ng earphone na kanilang pinagsasaluhan. Siguro ay matagal-tagal na rin silang magkakilala. Mahirap sabihin kung magkaibigan sila o kung higit pa dun. Kaswal na kaswal lang ang dating nila pero may nagsasabi sa akin na ang lalaki ay may pagtingin sa babae. Alam mo yung dating na para bang iniisip niya ang susunod niyang sasabihin? Kung tama ako ay malamang alam ko na ang laman ng isipan niya ngayon. Ayaw niyang magmukhang masyadong agresibo o masyadong interesado. Tinatantya niya kung may pagasa ba sya o maaaksaya lang paggamit niya ng gel at pabango ngayong gabi. Hindi ko na maalala ang huling pagkakataon na ako naman ang nasa puwesto niya.

Hindi makita ng iba ang sarili nilang kumakain magisa sa labas. Mahirap nga namang mapaligiran ng bakanteng mga upuan habang naririnig ang tawanan ng magkakaibigang kasabay mo. Pero sa dalas kong ginagawa ito ay natutunan ko nang magustuhan. Natutunan ko ng tanggapin na wala mang malaking kaganapan sa buhay ko ngayon ay dapat na akong maging masaya dahil mayron naman sa iba. Isa nanaman ito sa mga gabi ng buhay ko na kung hindi ko sinulat ay magtatago na lamang sa likod ng aking mga alaala. Sinong makakapagakala sa mga inosenteng taong pinagmasdan ko ngayon na nabigyan nila ako ng kuwento? Maari din na bukas ay ikuwento nila na mayroon silang nakasabay na wirdong tingin ng tingin sa kanila.

Nakakamangha talaga kung paano pinaghahabi-habi ng lumikha ang mga kaganapan na bumubuo ng ating sarisariling mga istorya. Kung paano tayo nagiging karakter sa mga kuwento ng taong hindi naman natin alam ang pangalan. Ngayong malamig na gabing ito ay ako ang lalaking walang magawa kung hindi pagmasdan ang posibleng kuwento ng pagibig ng ibang tao. Tinadhana nga siguro na makita ko ang lahat ng ito para malaman ko na maaring bukas ay ako naman ang nasa kalagayan nila. Darating ang panahon na ako naman ang magiging bida ng sarili kong kuwento. Maaring bukas ay ang kuwento mo naman ang isusulat ko. Pag dumating ang iyong panahon, pagmasdan mong maigi kung may nakatingin sa inyong lalaki habang nagpapanggap na abala sa pag-iinternet. Huwag kang magalala, hindi siya rapist, ako lang yun.

Nov 20, 2007

Trust

Trust. Pagtitiwala. Brand din ng condom. Pagtitiwala walang bata. Pag may condom wala ring bata. Makes sense no? Pag hindi mo nakuha, basahin mo uli. Minsan pakiramdam ko ay isa akong lumang condom. Magdadalawang isip ka muna kung isusuot mo pa. Hindi mo na gamitin kung wala kang sukdulang pangangailangan.

Hindi na bago ang kuwento ko. Sigurado akong mayroon kang pinsan, kaibigan, kaklase o kapitbahay na hawig ang istorya sa akin. Malamang ang iba sa kanila ay huminto na sa pagaaral dahil nawalan na ng pagasang maaari pa silang magbago. Ganun na rin siguro ang kinahinatnan ko kung wala ang aking pamilya at mga tunay na kaibigan. Nakikiusap ako na bigyan ninyo ang mga kakilala ninyong katulad ko ng pagpapasensya at pangunawa. Kung hindi ninyo kaya yun ay huwag niyo na lang silang pakialaman. Mas mabuti pang panoorin ninyo na lang silang sirain ang kanilang mga sarili imbes na kutyain at pagmataasan pa.

Madalas akong sabihan ng mas maagang oras ng pagkikita-kita pag may meeting o praktis sa eskwela. Alam kasi ng mga kaklase ko na mas madalas pa akong malate kaysa sa mga periods nila. Pinagkakasunduan na nila na ipaalam sa akin na alas-otso ng umaga ang meeting kung alas-nuwebe ito. Hindi ko naman sila masisisi dahil madalas ay late pa rin ako. Makailang ulit ko ring maririnig ang mga tanong na, "Kaya mo bang matapos yan on time?" o kaya ay, "Papasok ka ba bukas? Sure ka? Dalhin mo yang assignment natin ha?" bago ipagkatiwala sa akin ang isang gawain. Nasasanay na rin ako sa mga nakakapikong tanong ng mga kamaganak ko kung pumapasok na daw ba ako ng regular at gumigising sa tamang oras.

Mahirap magtiwala sa mga taong tulad ko na may rekord ng matinding katamaran. Parang mataas lang ako ng sampung baitang sa isang ex-con. Nahirapan akong makahanap pa ng eskwelahang tatanggap sa akin matapos kong magpalipat-lipat. Tinanggihan ako ng ilang mga taong gumagamit ng masangsang na pabango na nakaupo sa mga de-aircon na opisina. Dean yata ang tawag sa kanila. Hindi ako binigyan ng pagkakataong magbago ng mga institusyon mataas ang tingin sa sarili. Para sa kanila, isa akong dumi na sisira sa malinis nilang pangalan. Hindi ko sila masisisi dahil may reputasyon silang pinangangalagaan. Pero masakit na mabalewala dahil sa mga numerong nakasulat sa kapirasong papel na batayan ng marami sa kakayahan ng isang tao. Alam kong madaling sabihin na kasalanan ko rin naman kung bakit kailangan kong pagdaanan ang lahat ng ito. Tanggap ko iyon.

Kaya malaki ang pasasalamat ko sa mga unibersidad na tumanggap pa sa akin sa kabila ng transcript of record ko na nagmumura sa dami ng failure due to absences at withdraw without permission. Sa Entrepreneurs School of Asia na naniniwala na lahat ng batang may pera ay kakayahang magbago at maging mahusay sa larangan ng negosyo. Salamat, alam kong malayo ang mararating ng inyong eskwelahan. Sa University of La Salette Roxas Campus, salamat sa papapaalala sa akin kung paano ako nagsimula. Salamat sa muling pagtanggap niyo sa akin. Sana'y isang araw ay makatulong ako sa inyo sa kahit anong paraan. Higit sa lahat, salamat sa St. Paul University Philippines sa pagbabakasakaling baka sila na ang makakapagpabago sa akin. Alam kong malaki ang aking utang na loob sa inyo sa lawak ng pangunawang inyong ibinigay. Sa aking dean na si Ms. Jocelyn Carag, hindi sapat ang pasasalamat lamang para sa pagtanggap mo sa akin at sa pagtulong upang makapagtapos at manatili na sa iyong eskwelahan. Sana'y maging karapatdapat ako sa kabutihang ibinigay ninyo sa akin.

Hindi ito ang unang beses na sasabihin ko ito, pero nagdarasal ako na sana ay ito na ang huli. Dito na ako magtatapos. Sisikapin kong maging isang mabuting chocolate flavored condom. May tamang tamis at pait, pero ang mahalaga, mapagkakatiwalaan.

Nov 17, 2007

Regalong Pamasko

Nageenjoy akong magbigay ng regalo tuwing pasko. Una, dahil gusto kong magmukhang mabait at maalalahanin. Pangalawa, dahil gusto kong ipamukha sa mga tao na may pera akong pambili at pangatlo, gusto kong mahiya ang pagbibigyan ko pag hindi nila ako nabigyan ng regalo. Masaya silang panooring magmadaling maghanap ng regalo para sa akin. Syempre kasama din dun ang excitement ng paghahanap ng tamang regalo para sa mga mahal ko at ang oportunidad na maiparamdam ko sa kanila kung gaano sila kaimportante sa akin.

Kung meron mang mas masaya pa sa pagbibigay ng regalo ay ang...tama ka! Ang pagtanggap ng regalo. Ang tanging basehan ko kung magugustuhan ko o hindi ang isang regalo ay ang practicality nito. Gusto ko yung totoong mapapakinabangan o kaya yung sobrang impraktikal, nakakatawa na.
Ito ang ilan sa mga nakita kong pasok na pasok sa criteria ko. Sa mga kakilala ko hihintayin ko tong mga 'to bago magpasko. Welcome na welcome din kahit yung mga hindi ko kakilala.
1. Yubz Talk

May henyong gumawa ng cellular phone para mabitbit natin ang telepono kahit saan tayo magpunta. Ngayon, may nakaisip namang gumawa ng handset na maikakabit mo sa cellphone para makaagaw ng pansin at magmukhang tanga. Sinong mas matalino sa kanilang dalawa? Kayo ang magpasya.

Napakaimpraktikal nito kung iisipin pero nakakatuwa, hindi ba? Nakikinitakinita ko na ang reaksyon ng mga kaklase ko pag ginamit ko ito sa skwela. Mabibili ito sa lahat ng Rustan's Department Store o sa kanilang website - http://www.yubz.com/

2. Cake
Kung hindi kayo makaisip ng regalo para sa akin ay hindi kayo magkakamali pag napagpasyahan ninyong bigyan ako ng cake. Huwag lang fruitcake dahil ayoko nun. Wala rin akong kakilalang may gusto ng fruitcake. Ang nasa picture ay ang Chewy Cookie Cake ng Mrs. Fields. Kung makakatanggap ka nito sa pasko ay kainin niyo agad dahil hindi na ito magiging chewy pagkatapos ng tatlong araw. Kung hindi ninyo kayang maubos agad ay malugod ko kayong tutulungan. Kahit hindi Mrs. Fields ay tatanggapin ko pa rin. Hindi naman ako mapili.


3. Peel
Mahirap hanapin dito sa probinsya ang yosi ko. Minsan nga ay naiisipan ko ng mag-shift sa La Campana at Ms. Philippines. Kung hindi mo pa naririnig and dalawang brand na yun, yak, mayaman ka.
Kahit hindi pasko ay pwedeng pwede mo akong padalhan nito. Wala na akong maisip na higit pang paraan ng pagsasabi kung gaano mo ako kamahal kundi ang bigyan ako ng yosi. Para mo na ring sinabing " Abad, mahal na mahal kita kaya hinahayaan kong patayin mo ang sarili mo unti-unti." Touching talaga pare. Mabibili ito sa pinakamalapit na convenience store, pero mas mura pag sa sidewalk vendor sa Dapitan o sa Morayta mo ito bibilhin.

4. Payong

Kelangan mo pa ba ng picture? Ano ka kinder? Kindergarden? :P

Bigyan niyo naman ako ng payong. Nanghihinayang kasi akong bumili kasi alam kong mawawala ko lang o kaya masisira. Baka pag bigay mas pahalagahan ko muna, bago ko iwala.

5. Dry Seal
Madalas mga eskwelahan lang ang may ganyan. Madami akong papel na natatakan ng dry seal. Mga honorable dismissal saka yung notebook ko noong 1st year high school. Tinadtad ko kasi ng tatak ng minsang maiwan ako magisa sa opisina ng simbahan. Sa mga nalilito, iba ang dry seal sa pantatak ng teacher nyo ng star noong grade 1 kayo na lagi nyong itinatatak sa kamay mo pag hindi sya nakatingin. Ito yung gamit sa mga certificates. Hindi ko alam kung bakit ko kailangan ang dry seal, pero nageenjoy ako gamitin 'to. Hindi ko rin alam kung saan mabibili, kung may access ka sa opisina ng registrar nyo, tumatanggap ako ng nakaw.

Iyan lang ang mga hiling ko ngayong pasko. Ayokong mag-wish ng mamahaling mga bagay kasi alam ko namang hindi niyo rin ako bibigyan. Unang batas ko sa buhay ay ang hindi paghangad ng mga bagay na alam kong hinding hindi ko naman makukuha. Masakit sa hearts saka sa brains pag ganun.

----------------------------
I was tagged by Parisukat

8 Random Things about Me

1. I have studied in four different schools for the past four years.
2. I always tell people that i would die before i turn 20, I'm 19 now.
3. I still find it tricky to tell time using an analog clock.
4. I don't like animals.
5. Do not expect me to remember your birthdays.
6. I can not drive.
7. I still don't know where my parents got my name from.
8. God had given me a family who stood by me after all the wrong turns I had. Just for that, I consider myself lucky.


I'm tagging Grace .

Nov 15, 2007

Cheating 101- Lesson 1

"Be honest, even if others are not,
even if others will not,
even if others cannot."
-anonymous

"Pakyu ka anonymous! Mapanghusga!"
-others

Kung meron akong piso sa bawat estudyanteng kakilala ko na hindi nakaranas mangongpya pag quiz, wala ako kahit isang piso ngayon. Parte na ng buhay estudyante ang pangongopya. Diyan tayo nakakabuo ng sarili nating alliance. Dyan din natin makikilala ang iba't ibang klase ng estudyante pag quiz o exam ang eksena. Ito ang ilan sa kanila:

User-friendly - Sila ang mga taong kinakausap ka lang pag manghihiram ng notes o kaya ay pag may naka-schedule na quiz o exam. Madalas ay parang hindi ka niya kakilala pag nakasalubong mo sya sa corridor. Magtataka ka dahil alam naman niya pati middle name mo dahil pati yun ay nakopya nya noong nakaraang exam. Sa gabi, pag tinext mo sya para ibalik na ang hiniram na notes mo ay rereplyan ka lang niya ng "hu u?"

Palengkero - Mahirap sila hanapin pag may quiz na. Palipat-lipat sila ng upuan hangang makahanap ng Bespren ng Bayan. Para silang namamalengke ng sagot, hindi titigil hangang hindi nakukuha ang pinakasariwang sangkap. Pag nasita sila ng teacher madalas na palusot nila ang "Ma'am hindi ko makita pwedeng lumipat sa harapan?" o kaya, "Mainit po kasi sa harap kaya lumipat ako sa likod." Pag nagkaubusan na ng eksplenasyon ay sila pa ang makapal na nagsasabi ng "Nahuli ko po kasing tumingin sa papel ko yung katabi ko kaya lumipat ako dito."

Bespren ng Bayan - Pinaglihi sa pagbibigay ang mga estudyanteng ito. Hindi sila marunong magtakip ng papel pag exam. Madalas pa nga kahit wala sa plano mo ang mangopya maririnig mo na lang silang bumubulong ng sagot. Invited siya sa lahat ng inuman. Madalas silang ilibre sa canteen pagkatapos ng quiz. Badtrip sila katabi pag nagreview ka talaga kasi sasayangin lang nila ang pagod mo. Magingat lang dahil ang iba sa kanila ay malakas lang ang loob magbigay ng sagot pero hindi rin naman tama.

Bespren ng iilan - Sila ang mga wais. Nagrereview sila at pinipili lang nila ang pagpapakopyahan. Pag hindi ka nila crush, textmate o kaibigan, huwag ka ng tatabi sa kanila dahil nagiging Buwakina sila.

Buwakina - Kung mahigpit ang propesor mo sa seating arrangement at sila ang nakatabi mo, may dalawa kang choices - magaral ka ng puspusan o i-drop mo na ang subject. Kung babae sila at mahaba ang buhok, nagmimistula silang Sadako pag quiz. Nakalugay ang buhok at nakaharang sa mga sagot. Kung hindi naman ay may dala silang panyo para matakpan ang sagot nila. Kung user-friendly ka ay sila ang dapat mong kaibiganin dahil madalas ay wala sila masyadong kaibigan.

Bluffer - Parang Buwakina rin sila pero mas cool ang dating. Paborito nilang linya ang "May quiz ba? Shit, hindi ko alam! Notes nga!" pero ang totoo magdamag silang nagreview noong nakaraang gabi. Ayaw lang nilang magpakopya at gusto lang nilang magmukhang matalino dahil pumasa sila kahit hindi nagreview. Hihirit sila ng linyang hawig sa "Wow, pumasa ako, hindi pa ako nagrereview nyan!" pagkatapos maibigay ang score.

Tamang Zen - Wala silang pakialam. Lagi nilang iniisip na papasa rin naman sila kahit anong mangyari. Niloloko nila ang sarili nila na babawi na lang sila sa susunod na quiz. Memorize nila ang mi-ni-mi-ni-my-ni-mo sa lahat ng version hangang remix. Mapapansin mong sila ang kauna-unahang nagpapasa ng papel. Pag may essay naman ay nakatingin lang sila sa kawalan at kunwari'y nagiisip. Sa swerte lang sila umaasa at sa paminsan-minsang pagbulong ni Bespren ng Bayan ng sagot.

Sino ka sa kanila?

Nov 12, 2007

Tuguegarao: Tricycle at Batil Patong Country

Ngayon ko lang napansin na bihira kong mabanggit ang Tuguegarao kahit na asa title pa ito ng blog ko. Bilang pagdiriwang sa panibagong milestone ng buhay ko, ang pananatili sa parehong school matapos ang isang sem, hayaan niyong bigyan ko kayo ng patikim ng siyudad na tinitirhan ko ngayon.

Ang Tuguegarao ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Araw araw ang biyahe ng mga bus galing Maynila patungo dito. Tatlong beses naman kada linggo kung lumipad ang eroplanong byaheng Tuguegarao mula Maynila at isang beses kada Linggo galing Macau, sosyal. Meron itong land area na blah blah blah. I-google niyo na lang kasi hindi ko rin alam, saka baka maging informative ang blog ko. Nakakatakot. Ito ang alam ko, na mas marami pang tricycle dito kesa tao. Two is to one ang ratio nila. Bawat lingon mo ay may mahahanap kang pansitan na nagtitinda ng Pancit Batil Patong. Maniwala ka sa akin dahil marunong ako sa istatistiks, pumasa ako riyan. Kaya lang bagsak ako sa Filipino kaya, wag pala tayong nagpapaniwala sa eskwelahan.

Makukulay ang mga tricycle sa Tuguegarao. Kung jeepney ang hari ng kalsada sa Maynila ay tricycle naman ang sa amin. Nakikipagsabayan sila sa mga kotse at kalesa araw araw. Kung maraming aroganteng taxi drivers ang Maynila, hindi kami magpapatalo. Sabi nga ni Vic Sotto, wala yan sa lolo ko. Meron akong kaklaseng German na nagbayad ng limang daang piso sa tricycle driver at hindi na sinuklian. Mahilig silang magtaas ng presyo sa mga halatang hindi tiga rito. Kaya kung may balak kayong bumisita sa Tuguegarao para makita ang pinakasikat nilang tourist attraction, ako, alamin ang tamang presyo ng pamasahe para hindi kayo maloko. Mayroon pa rin namang tapat na tricycle drivers dito, bihira ko nga lang siguro nila akong maging pasahero.

Hindi pwedeng mawala ang pagkain ng Batil Patong sa listahan ng dapat subukan pag nandito kayo sa Tuguegarao. Ang Batil patong ay ang inyong pancit guisado na lalong pinasarap at ginawang mas interesante ng mga taga dito. Mayroon itong sawsawang toyo at sibuyas at pinatungan ng malasadong sunny-side up na itlog. Hindi ito makukumpleto kung hindi mo sasabayan ng sabaw na espesyal na kapares ng Batil Patong. Nai-feature ito sa isang travel show dati at nang tanungin ang host kung ano ang lasa, sinabi nitong, "Lasang spaghetti." May sira yata ang panlasa ng taong yun.

Naalangan akong kainin ang Batil Patong ng una ko itong makita. Pancit na may sibuyas at itlog? Parang kadiri. Ngunit ng maubos ko ito ay hinanap hanap ko na. Ang hula ko nga ay ang pagluluto ng pansit ang dahilan kung bakit sobrang init sa Tuguegarao at ang Pancit naman ay may special secret ingredient para makaya ng balat namin ang init. Maaari ano? Kaysa naman sa theorya nung tricycle driver na tinanong ko, may butas daw ang ozone layer sa Tuguegarao kaya mainit. Ano yun manong, parang wi-fi zone limitado lang ang sakop? Dito lang butas?Kung kayo ay nandito, itext niyo lang ako at ililibre ko kayo sa Budyok's o kaya ay sa Nang's, ang mga paborito kong pansitan.

Masaya akong bumalik dito sa Tuguegarao matapos ang bakasyon. Panibagong pakikipagsapalaran nanaman ito sa mga tricycle drivers at paghahanap ng kasagutan kung bakit laging maaraw sa Tuguegarao.

Nov 7, 2007

Bagyong Kabayan

Hindi ito weather report.

Siguro ay napanood niyo na sa TV na binagyo kami dito, kung hindi niyo yun napanood, aba, manood naman kayo ng balita hindi puro Marimar at Big brother lang ang alam niyong panoorin. ( Wala akong pinatatamaan, Cheenee, Grace.) Dahil sa malakas na bagyo, nabulabog siguro ang pagong namin na matagal ng walang nakakakita at nagpasyang lumabas mula sa kung saan mang pinagtataguan niya. Sobrang saya ng mga kapatid ko ng nakita nila ang pagong na naglalakad sa kusina namin, para ngang mas masaya pa sila kesa sa pag nakikita nila akong dumadating sa bahay.

Melanie: Kuya! Bilis, andito yung pagong!
Abad: Hala, buhay pa pala yan.
Melanie: Oo nga, akala ko eh nawala na yan.
Lucky: Ano kaya kinakain nya?
Melanie: Kuya ano kinakain ng pagong?
Abad: Ewan ko.
Melanie: Ang tagal ko ng hindi nakikita yan, siguro eh fifty years old na siya diba kuya?
Abad:???
Lucky: Hindi tatlong araw pa lang sya.
Melanie: Weeehh, tatlong araw? Ang tagal tagal na nga.
Lucky: Kuya wag mong lalapitan ang laki laki mo, matatakot siya, di ba ate?
Melanie: Oo nga.
Abad: Ano bang pangalan ng pagong nyo?
Lucky: Ahh.. Pagong.
Abad: Wala ng iba?
Lucky: Pagong nga.
Melanie: Ano ba sya kuya, lalaki o babae?
Abad: Ewan ko.
Lucky: Eh, sabi nila dati lalaki siya.
Melanie: Lalaki? Alam ko na, Tintin.
Abad: Lalaki nga eh.
Melanie: Di Tonton.
Lucky: Buldang na lang!
Melanie: He!

Tuwing ganoon na ang eksena ay umaalis na ako dahil alam ko ng masusundan yun ng asaran at iyakan. Nakakatuwa talaga ang mga bata. Nakakatuwa din ako noong bata ako eh. Hindi ko alam kung anong nangyari.

-----------------------------------------

Dahil brownout uli, lumuwas ako sa Manila noong Lunes para maginternet saka para kumain sa UP. Oo, bumiyahe ako ng sampung oras para lang dun. Bumisita din ako sa doktor. Asa taxi ako ng biglang may nagtext na matagal ng hindi nagpaparamdam sa akin. Saktong umuulan yun at kulay abo ang paligid. Pag tingin ko sa labas nakita ko sa billboard yung pangalan niya sabay tumugtog yung "Only reminds me of you" sa radyo. Habang nakatingin ako sa billboard at sa reflection ko sa salamin ng bintana ng auto naisip ko,ano ka ba universe? Tamang MTV?

Driver: Ano yun sir?
Abad: Ah, wala po.

Napalakas pala ang pagiisip ko.

Nov 2, 2007

(Isang post na maraming parenthesis)

Reunion ng pamilya namin sa side ng Tatay (lolo) ko tuwing araw ng mga patay. Wala akong gaanong kakilala sa kanila dahil ang mga pinsan ko sa side ng Nanay (lola) ko ang kasama kong lumaki dahil sa Roxas kami lahat nakatira habang kalat kalat naman sa Isabela ang mga kamaganak ni Tatay. Taon-taon pagkatapos mananghalian sa Roxas, bumibyahe kami ng bente minuto papuntang Aurora para umattend ng reunion at dalawin ang lolo at lola ko sa tuhod na matagal ng tigok.

Natutuwa ako sa mga reunion kasi kahit bihira magkita sila Tatay at ang mga kapatid niya, makikita mo na matatag pa rin ang samahan nila. Isa pa, hindi ako naasiwa tulad sa ibang party kung saan ako ang pinakamatangkad o ako ang pinakamataba. Pag reunion, medyo nakakablend in ako. Mula nung bata ako, hindi matatapos ang reunion na walang nagtatanong tungkol sa pagaaral ko. Wala na siguro silang ibang maisip na mapagkuwentuhan dahil hindi naman nila ako gaanong kakilala. Heto ang mga naalala kong eksena nitong mga nakaraang undas.

Nov. 1, 2004

Tito: College ka na di ba? Ano bang kurso mo?
Ako: Asian Studies po.
Tito: Ano naman yun?
Ako: Parang history po na may eco saka philo, basta tungkol po sa Asia lahat.
Tito: Ah. (Sabay hithit ng yosi) Nag-narsing ka na lang sana.
Ako:(fake na ngiti)
Tito: Ano namang trabaho pagkatapos?
Ako: Hindi ko pa po alam.
Tito: Kung nag-nars ka makakapag-abroad ka pa sana.
Ako: Ah..Tawag na po yata ako ni Mama, sige po.

Nov. 1, 2005

Hindi ako umattend. Nagkunwari akong may sakit.

Nov. 1, 2006

Walang masyadong umattend saka umuwi kami agad.

Nov. 1, 2007

Lola (Kapatid ni Tatay): Anong year ka na ba?
Ako: 2nd year po. (Winiwish ko na sana wag nila maalala na four years ago eh 1st year ako at dapat ay fourth year na ako ngayon.)
Lola: Ah, pagbutihan mo.
Ako: (Yes! Hindi naalala.) Opo.
Lola: Ilang taon na ba sya? (tanong kay Nanay)
Nanay: Magna-nineteen.
Ako: Nay, magbebente na 'ko.
Tita(Pinsan ni Mama): Ano bang course nya Auntie? (tanong kay nanay)
Nanay: Ano na nga ba ngayon Dayo? Hindi ko na rin alam eh.
Mama Tess (Tita ko, at oo Mama ang tawag ko sa lahat ng kapatid ni Mama): Entrepreneurship 'nay.
Lola: Ah, ano ba yun? Anong trabaho mo pagkatapos.
Ako: Magnenegosyo po.
Tita: Parang commerce din?
Ako: Opo.
Tita: Ah, parang commerce din, pinaganda lang pakinggan.
Ako: Opo, pinahirap lang ang spelling.

Sabay sabay tayong magtulos ng kandila at hilingin na sa susunod na taon eh parehong kurso at eskwelahan pa rin ang isasagot ko kung may magtanong uli sa akin. Kasi kung hindi, baka mameke nanaman ako ng lagnat para hindi piliting umattend next year.

Oct 29, 2007

Recycled entry

Sinulat ko ito noong November 10, 2005 sa dati kong blog.
------------------------------
"Coming Home"

October 15 noon.

Hawak ang malaking maleta ko sa kanang kamay,at ang gusgusing bag ko sa kabila, ready na kong umuwi."Dayo asan ka na paalis na tong bus", paulit ulit na text ni kuya James sa akin. Nagmadali akong pumunta sa victory sakay ng isang pedicab. Masama pa yata ang loob ng pedicab driver sa binigay kong bente sa kanya. Pagpasok ko ng bus nakita ko agad sina ate Emlot,si Oyet, si kuya James, ang asawang nyang si ate Lanie at ang cute na baby nilang si Neil. Wow! Ngayon lang uli ako may makakasabay sa paguwi. Madalas kasi ay magisa lang ako. Wala pang isang minuto akong nakasakay ay umandar na ang bus. Sakto!

Pananabik ang lagi kong nararamdaman sa tuwing uuwi ako sa probinsiya. Ilang buwan ko ring namiss ang kakulitan ng mga kapatid ko, ang mga pangaral(o pagalit?) ni nanay, ang mga kuwentuhan namin ni mommy, ang panonood namin ng game ka na ba ni mama tess at siyempre ang mga payo at jokes ni mama sabay ang mga hirit niyang may "diba deeyo?" sa dulo.
Pero iba ngayon eh, hindi pananabik o saya lang ang nararamdaman ko. May isang boses na paulit ulit kong naririnig. Isang boses na kilalang kilala ko, ang boses ni mama ng tinawagan ko siya kaninang umaga.

"Wala na si Inang."

Ang sabi niya habang di niya napigilang umiyak matapos niya itong sabihin. Kakaibang kirot ang naramdaman ko matapos kong maring yun. Kirot na paulit ulit ko pa ring nararamdaman sa tuwing naririnig ko ang boses ni mama habang nakasakay sa bus. Paunti ng paunti ang sakay ng bus habang palapit na kami sa Roxas. Matapos ang sampung oras na byahe, kaming magpipinsan na lang ang bumaba sa paradahan. Pagbaba ko ay naroon na ang Tito ko para dalhin kami sa Nuesa. Sa bahay ng Inang,na noon ay punong puno ng maliliwanag na ilaw kahit na umaga pa lamang. Wala na nga ang Inang. Alam ko na sa kanyang paglisan ay baon niya ang makukulay na kwentong lagi niyang binabahagi sa amin noong bata pa kaming magpipinsan. Ang iniwan niya ay ang aming mga alaala ng isang babaeng inuuna ang pamilya bago ang sarili.

-----------------------------

Ngayong darating na undas, sa gitna ng pagkain ng puto at paginom ng kape, sigurado akong lagi naming mapapagkuwentuhan kung gaano naging mabuti at maalaga sa amin si Inang. Ipagdasal natin lahat ng ating mga mahal sa buhay na hindi na natin kasama ngayon. At 'sing halaga nun, ipakita natin sa mga kapiling pa natin kung gaano natin sila kamahal.

Oct 26, 2007

Dahil ayoko ng politics

Napipilitan lang akong pagusapan ang pulitika dati sa school o kaya sa mga taxi drivers na umagang umaga pa lang, mainit na ang ulo. Ang ending badtrip na rin ako pagbaba dahil sa lakas ng boses ni manong at sa radio announcer na walang ginawa kundi gatungan ang galit niya. Bukod sa nakakataas ng presyon ng dugo ang pulitika, ayaw ko rin 'tong pagusapan dahil kahit anong galing ko pa, wala din naman akong magagawa kundi patuloy na mayamot habang pinakikinggan ng kapareho kong wala ring magagawa. Pero kakaiba 'to, dahil di ko na kayang hindi magsalita.

Dear Erap,

Ako si Abad. Hindi pa tayo nagkikita, asa probinsya pa kasi ako nung huling asa laya ka. President ka pa nga nun eh, ngayong nakalaya ka nanaman, asa probinsya nanaman ako. Hindi din kita ganong kilala, may assignment ako dati tungkol sa'yo at naaalala ko lang na sinabi kong ang pinakamalaking problema ng iyong lideratura ay ang problema mo sa mata at tuhod. Pasado naman ako, baka may sira din ang mata ng teacher ko.

Kumusta ka na? Masarap ba ang hinandang mga pagkain ni Loi sa'yo? Sigurado akong hindi mo nakakakain ang mga iyan sa loob... Hindi rin. Sana magenjoy ka sa buhay mo dito sa labas. Nakakatawa nga, mas madalas ka pang mag out of town at lumabas ng bansa kesa sakin kahit nakakulong ka. Pupusta akong mas malaki din ang kuwarto mo sa rest house mo kesa sa kwarto ko. Naghirap ka nga siguro ng sobra, kawawa ka naman.

Kaninang pinapanuod kita sa tv naalala ko bigla yung mga preso sa bilibid na binisita namin nung second year ako sa UST. Sila siksikan sa selda, tipid sa pagkain at masaya na kung may regular na dalaw. Kung makalaya man sila, hindi na siguro sila maghahangad pa ng engrandeng pagsalubong. Swerte na nga sila kung meron pang tutanggap sa kanila sa trabaho. Malas lang nila at hindi sila dating presidente. Malas lang nila at walang mapapala ang palasyo kung makalaya man sila.

Masaya ako at nakalaya ka na. Para na rin siguro ito sa kabutihan ng nakararami--Ikaw at si Gloria, ang bago mong bff. Ingat ka ha. Huwag ka ng magpapahuli uli. Pero kung mahuli ka man, wag ka magalala, makakalaya ka rin naman siguro. Sige hangang dito na lang, ihahanda ko pa ang letter ko para kay Jalosjos. Maganda na yung prepared, alam mo naman tayo dito, naglolokohan na lang.

Love,
Abad

Oct 24, 2007

Para sa mga hindi makatulog

Hindi normal sa akin ang matulog ng maaga dahil nga may sleeping disorder ako na kung tawagin ay Delayed Sleep Phase Syndrome. Ibig sabihin hindi normal ang sleep-wake cycle ko. Madalas kahit gustong gusto ko nang matulog patuloy akong ginugulo ng mga kung anu anong ideya na hindi ko naman ikayayaman. Binubuksan ko na lang ang tv o computer at naghihintay na kusang dalawin ng antok. Madami na akong nasubukang remedyo para makatulog sa tamang oras, pero ika nga ng nanay ko "wa epek". Hindi man sila umepekto sakin, malay mo sayo magwork.

Nakakatulong daw ang paginom ng isang baso ng gatas before bedtime. Mas ok daw kung may kasamang honey, yung galing sa pulot-pukyutan ha, baka ibang honey naman ang iniisip mo, mas lalo kang hindi makakatulog agad nyan. Hindi 'to pwede sa akin kasi Lactose Intolerant ako. Ang saklap nga kasi di pwede sakin ang masyadong maraming ice cream saka creamer sa kape. Kaya kung may naalala kang pagkakataon na nagtagal ako sa C.R. pagkatapos natin magkape, alam mo na ngayon ang nangyari.

Pwede ka ring magbilang ng kung ano ano. Sigurado ako narinig mo na ang pagbilang ng tupa ng tumatalon sa bakod.Hindi ko alam kung sinong walang magawa ang may pakana ng pagbibilang ng tupa pero wa epek din yun sakin. Sa opinyon ko mas effective ang pagbibilang ng pabaligtad mula 100. Sinubukan ko 'to dati at medyo inantok nga ako. Huwag na huwag bibilangin ang utang mo dahil pupusta akong hindi ka lalo aantukin nyan.

Melatonin ang tawag sa food supplement na iniinom ko. Ang alam ko, over the counter drug yun kaya kung hindi ka na talaga makatulog subukan mong uminom thirty minutes before bedtime. Ingat lang sa oras ng paginom dahil pwedeng lumala ang problema mo sa pagtulog kung mali sa oras. Hindi ito sleeping pill kaya kung may balak kang tumira ng marami, 'wag pare, para kang suminghot ng Elmer's glue nyan imbes na rugby. Mas ok kung humingi ka na lang ng prescription sa doktor. Effective sana ito sa akin kaya lang madalang kung inumin. Nakakaantok kasi.

Ang huli at pinaka epektibo sa lahat ay ang, (drumroll) pagrereview. Tama! Inaantok ako agad pag nagbabasa ng notes o kaya naghahanda para sa exam. Parang pinaghalu-halong epekto ng Melatonin, gatas, honey at pagbibilang ng 100 pabaligtad. Sayang nga lang at madalang ko lang gamitin ang teknik na ito. Pag wala pa ring umepekto sa lahat ng ito matapos mong subukan, isa na lang ang natitira mong option. Alak, maraming maraming alak.

-edit-

Hindi daw disorder ang DSPS sabi ng doktor ko dahil syndrome nga lang daw ito. Mas maganda kasing excuse pag sinabing disorder kaya disorder ang ginamit ko.

Oct 21, 2007

Semestral Break espeysyal

Para sa maraming estudyanteng kakilala ko, sobrang saya at kaabang-abang ang sem break. Ibahin niyo ako. Bakit?

Una, halos lahat ng bagay na pwedeng magawa sa sem break ay nagagawa ko naman kahit may pasok. Ilan na dyan ay pagtulog hanggang sa gusto ko, hindi paggawa ng assignments at panghingi ng pera. Hindi ko ito pinagmamalaki, nagsasabi lang ako ng totoo.

Pangalawa, masaya ako dati dahil tuwing sem break lang ako nakakauwi sa bahay namin sa Roxas. Ngayon na sa Tuguegarao na ako nagaaral, kaya ko nang umuwi tuwing Sabado, kahit araw-araw pa nga kung balak kong magpagod.

Pangatlo, lahat ng bakasyon ko sa eskwela ng nakaraang taon ay mga panahong kailangan kong maghanap muli ng bagong mapapasukang kolehiyo. Mga panahon ng pagkalito at pangangapa ng direksyon. Mga panahong kailangan kong magmukhang walang pakialam sa kabila ng takot na baka ito na ang huling pagkakataong meron ako para magbago. Mga panahong hindi ko mapigiling sisihin ang sarili ko sa di pagtupad sa pangakong hindi ko na muling hahayaang masayang ang lahat, hindi na muli ako babalik sa mga gawi kong nagbibigay saya ngunit siya ring sumisira rin sa akin, at sa pangakong hindi ko na hahayaang muling masaktan pa ako at ang mga nagmamahal sa akin, ng dahil sa sarili kong mga desisyon. Mga panahong hindi ako pinatutulog ng gunita na hindi ako karapatdapat mabigyan ng isa pang pagkakataon. Nais kong sabihin na hindi ito tulad ng mga panahong iyon, pero hindi ako magsisinungaling. Dahil ngayon, pakiramdam ko'y hindi man lang ako nagugulat habang pinanunood kong muli ang sarili kong tumatalon sa bangin.

Oct 16, 2007

Kakain ka ba kung ang dinuguan sa hospital cafe ay naka-categorize bawat blood type?

Mahigit isang linggong naospital yung kapatid kong si Buldang dito sa Tuguegarao kaya madalas ako sa ospital this week. Salamat sa Diyos at magaling na siya ngayon. Sino ba kasi ang nagpauso ng dengue? Tama sila, hindi lahat ng uso mabuti. Dapat hanapin mo yung bagay sayo. Labo?

Kaawa-awa naman ako, natatawa ako sa sarili kong kastupiduhan. Parang kaninang madaling araw, hindi ako makatulog, naisip kong itext ang lahat ng kakilala ko ng " Tulog ka ba? Please textback if yes." Nung isesend ko na nalala ko paubos na load ko. Kaya tumawa na lang ako magisa. Malamang kung sinend ko yun may magrereply, magaling ako pumili ng kaibigan eh.

Akala ko wala ng kuwenta yung previous posts ko. Kaya ko pa palang magsulat ng mas basura tulad nito.

Oct 8, 2007

Sari-saring kabadtripan at kahayupan

Yehey! Nanalo si Pacquiao! Mawawala na ang lahat ng problema natin, aahon na tayong lahat sa hirap at hindi na ako maghahanap ng barya sa bulsa ng maduduming pantalon ko pag paubos na ang allowance ko. Makikipagsabayan na tayo sa mga mayayamang bansa at kukuha na tayo ng maid galing sa Thailand o kung san pa man. Hindi na rin kailangan mangurakot ng mga pulitiko, dahil..aahh.. nanalo si Pacquiao. Okay. Mali naman na hindi ako magpasalamat kay Pacquiao dahil kahit sandali lang, napapagisa niya tayong mga Pinoy bawat laban niya. Pero pag narinig nyo ang kuwento ko, baka mabadtrip din kayo.

Alam lahat ng Pinoy na noong nakaraang linggo ang laban ni Pacquiao. Lumuwas ng Manila yung nanay ko at mga kapatid ko para bisitahin ang Tita kong naoperahan. Kasama din nila yung dalawang Tita ko, kapatid ng lola ko, pinsan ko saka yung Stepdad ko. Kami lang ng Lolo't Lola ko ang naiwan saka yung dalawang aso na galit sa akin kahit pinakain ko naman sila ng de lata nung pasko, yung pusa namin na nakakatakot kasi nangangagat at syempre yung dalawang ibon na "pangit" lang ang alam sabihin. May pagong din kami kaya lang matagal ng walang nakakakita. Dahil nga kami ang naiwan kailangan kong magbukas ng tindahan ng nanay ko sa palengke. At dahil nga madalang akong magisip, iniwan ko yung tindahan nung laban na ni Pacquiao at lumipat sa tindahan ng lolo ko kung saan may tv. Nandoon ang kalahati ng populasyon ng buong palengke ng mga oras na yun. Nahulaan mo na ba kung ano ang nagyari? Kung hindi pa ay baka kasing dalang din kita magisip.

Nabawasan yung pera sa kaha pagbalik ko. Napakabait nung kumuha kasi hindi niya kinuha lahat, kinuha lang siguro niya yung kailangan niya. Di ba, ang considerate nyang magnanakaw? Akala siguro ng kumuha hindi ko mapapansin. Kahit naman hindi ako masyado nagiisip, alam ko pag pera-pera na ang usapan. Haha. At doon sa pagkakataon na yun ko napagdesisyunan na kay Pacquiao ko isisisi ang lahat. Kung hindi siya naglaro, mananakawan ba kami? Kasalanan ito ni Pacquiao. Boo. At wag kang magcocomment na kung hindi ko iniwan yung tinadahan ay hindi kami mananakawan. Ano ka nanay ko?

--------------------------------------

Barrera, man, anong problema mo? Kung hindi mo dinumihan ang laban mo kay Pacquiao baka naging commercial model ka pa ng sports drink o kaya beer dito sa Pilipinas. O kaya, food supplement para sa mga umeedad na tao. Para i-quote ang TV show na umuubos ng oras ko ngayon, "BURN!"

Sep 30, 2007

I feel like a proud Dad

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

Sa bawat panahong naiisip kong nasayang ko ang dalawang taong nilagi ko sa UST, ang mga alaala niyo ang kumukumbinse sa akin na wala akong dapat panghinayangan. Congratulations!

Sep 25, 2007

You know someone is bored when..

He's answering a fucking survey.

WRITE EXACTLY WHATS ON YOUR MIND, AND DON’T CHANGE IT

1. Your ‘ex’ and You = are malabo.
2. I am listening to = christmas carols, I'm in a comp shop.
3. Maybe I should = do something more worth while in my spare time.
4. I love = myself most of the time.
5. My best friend(s)= i miss.
6. I don’t understand = myself most of the time.
7. I have lost my respect for = tv.
8. I last ate = chocolate.
9. The meaning of my display name is = i don't know what a display name is.
10. God = is my lord and savior.
11. Someday = everything will make sense.
12. I will always be = grateful.
13. Love seems to = come unexpectedly.
14. I never ever want to lose = weight. Well, i want to, but that's the first thing that i thought so, whatever.
15. My myspace is = nonexistent.
17. I get annoyed when = people wear those huge headphones in public.
18. Parties = could be fun.
20. Simple Kisses = are sweet.
21. Today = I was late for school again.
22. I wish = we could talk soon.

Sep 6, 2007

Keyword Search

Maghapon ako sa bahay.

end of blog entry.

Ganyan ka-exciting ang buhay ko. Hindi mo ko masisisi kung bakit ko napagtripang tignan sa Statcounter kung ilan ang bumisita dito sa blog. Isang feature ng Statcounter ang Keyword Analysis, pinapakita nya sayo kung ano ang keyword na ginoogle ng mga tao para makarating sa blog mo. Pinapakita nya sayo na hindi lang ikaw ang walang magawa sa mundo. Heto ang ilan sa mga keywords na naging dahilan ng pagkaligaw ng ilang tao dito:

Tuguegarao - Naiintindihan ko kung bakit.

Artistang Artlets - Nabanggit ko kasi sa isang entry.

Abad Enriquez - Pupusta ko ako lang nagtype nito. Aminin mo, ikaw din ginoogoogle mo pangalan mo.

Jun Isip - Ah, sino sya? Wala akong maisip na dahilan kung bakit lilitaw ang blog na 'to pag tinype mo ang Jun Isip. Pero syempre ngayon meron na.

yes ma'am is that clear 2007 - Sabi sa'yo hindi lang ikaw ang walang magawa eh.

mga relihiyosong kanta - Sorry at nasayang ko ang labinlimang segundo ng buhay mo nung naligaw ka dito.

Pero eto talaga, muntik na ko mahulog sa upuan.

first time sa lalaki - Seriously? haha. Akala niya yata bastos ang first time mo? entry ko.

Aug 30, 2007

Bakit madalas brownout sa probinsya?

Dahil walang kuryente nagpunta ako sa mall para sa aircon. Balak ko ding umattend ng church ng maaga mamaya para sa aircon, at walang kinalaman ang aircon sa kuwento ko. Ang tagal ko ng hindi naguupdate, nahihiya na ako sa naguumapaw na dami ng readers ko. Kaya sa inyong dalawa, hello.

Bukod sa pagpraktis ng tamang accent para sa "Caritan Hi-way 'nong?" para hindi mataga sa presyo ng mga tricycle driver, nagbabasa na ako ngayon ng books pag free time ko. Hanep no? Akala ko nga hindi ko kaya, pero pagkatapos magdugo ng ilong ko nakayanan ko din. Napipikon ako dati sa mga assignment na nagrerequire ng mahabang basahan kasi maikli lang ang attention span ko. Nabibilib nga ako dati sa mga mahihilig magbasa. Lagi ko na lang hinihintay na maging pelikula yung mga libro na ayon sa mga kakilala ko ay maganda. Kaya kung naghahanap ka ng bagong hobby ay inirerekumenda ko ang pagbabasa. Umpisahan mo muna sa maiikli tulad ng drug literature sa loob ng kahon ng gamot, o kaya terms and conditions sa likod ng bus ticket o kaya naman yung sagot ng katabi mo pag exams at nangangapa ka ng sagot. Ganun lang din ako nagsimula eh.

Jul 10, 2007

Medyo Late na



Nakita ko 'tong picture na to sa friendster kanina, at andami kong naalala.

Ang tunog ng ID validation machine,

ang kaba pag alam mong late sa klase ni Ma'am Macapagal,

ang hiyawan ng mga kaklase ko pag nakita nila akong maagang pumasok,

ang amoy ng room (oo, may amoy yun),

at higit sa lahat, ang upuan ko.

Not.(a la Borat) Syempre ang mga kaibigan ko.

Nakailang room na ako pero iba ka pa rin room 105 ng St. Raymond's Building, pano ba yan? Sa teleserye na lang ni Claudine at Piolo kita makikita? Star ka na pala eh.

Jul 9, 2007

Rock-Rakan 2007 a hardcore expression of the SABian spirit. Theme namin yan last saturday, socialization daw. Bumaha ang gym ng mga taong naka itim, akala nga nung iba may lamay. Syempre hindi mawaala ang eyeliner, leather pants, chucks, emo hair saka eyeliner pa ulit. Kahit ano na lang basta naka eyeliner ok na. Meron din syempre yung mga totoong rakista, simple pero rock. Syempre andun din ako, parang napipilitan lang. Nakikinig naman ako sa rock, pero para magmukhang rockstar? Malabo.

Dahil nga rock ang theme, madalas itaktak mo saka sige ikembot ang naririnig. Astig no? Rock na rock.

Jul 3, 2007

Paulit ulit

Araw araw, pakiramdam ko pumapasok ako sa sine sa kalagitnaan ng palabas. Hindi ko makuha ang sinasabi ng mga tauhan kasi hindi ko naman nasimulan. Kailangan kong magpanggap na nakukuha ko ang istorya para hindi naman masayang ang binayad ko. Pero ang totoo, umuuwi akong naguguluhan at litong lito.

Minsan naiisip kong umalis na lang. Umalis nanaman. Dun naman ako magaling. Ilang tao na ba ang kinailangan kong iwanan? Ilang relasyon na ba ang kinailangan kong pansamantalang putulin? At pagkatapos ng lahat kailangan ko nanamang magsimula at maging baguhan sa ibang lugar. Kaya nga siguro Dayo ang palayaw ko, kasi lagi na lang akong dayuhan.

Jun 27, 2007

Church at inuman

Apat na oras lang ang klase ko sa isang araw, kaya kailangan kong magisip ng paraan para hindi matulog na lang sa mga natitira kong oras.

Umattend ako ng church nung isang linggo. Hindi catholic church ah, yung charismatic. Alam kong mahirap paniwalaan lalo na't kung alam mo na ang huling bisita ko sa simbahan ay nung march pa ng minsang mapadaan ako sa harap ng La Salette para bumili ng mamisong pancake sa harap ng simbahan at makita ako ng brad ng tatay ko sa fraternity nya (K of C). "Oh! Abad, magsstart na ang mass, pumasok ka na, anjan yung tatay mo." Wala na akong nagawa kundi pumasok.

Yung mayari ng bahay na tinitirahan ko ang nagaya sa akin sa church last thursday. Wala naman daw mawawala kung sasama ako, madami daw ako makikilala saka may aircon naman daw dun kaya malamig. Hindi ko alam kung sa aircon ako nakumbinse o sa mga makikilala. Dalawa lang kasi ang wall fan sa school ko, yung isa nakatutok pa sa prof, kaya nung narinig kong malamig dun, pumayag na ako. Ibang iba yung atmosphere nung pumasok ako sa loob ng church, ang sasaya ng mga tao, kung hindi yun simbahan iisipin mong nakadroga sila. Nagkakantahan na sila ng naabutan ko, kinamayan ako nung iba ng makita nilang bago ako. Syempre hindi pa ako makasabay sa mga kanta nila kaya para malibang ay inisip ko na lang ang magiging reaksyon ng mga barkada ko nung high school kung isasama ko sila dito. Malamang magmura yun pag nakita nila ang mga taong nakasama ko sa VCF. Hindi naman sila sobrang relihiyosong mga bata, baka tulad ko andun lang din ang iba sakanila para maglibang, o bigyan ng panahon ang diyos. Lahat naman tayo kailangan ng diyos sa buhay natin. Kung titignan ko ang mga panahon na nalito ako sa mga prayoridad ko sa buhay, yun din yung mga panahong nakalimutan ko ang diyos.

Kinabukasan pagkatapos ko umattend sa church, nagaya naman ng inuman yung kaklase ko. Syempre, payag agad ako. Umalis ako ng Manila para maka iwas sa sobrang bisyo pero basta pumapasok ako at nagaaral, ayos lang naman siguro ang uminom paminsan minsan.

Aaminin kong natatawa pa din ako minsan sa mga kasama ko sa church pero nagenjoy ako. At babalik uli ako bukas kahit na nagaaya nanaman ng tagayan ang kaklase ko. Susunod na lang siguro ako pagkatapos ng church. Kung kaya ko ngang makipag umagahan sa tagayan, bakit naman ako manghihinayang sa isa o dalawang oras ko para sa kanya?

Jun 21, 2007

First time mo?

Koleksiyon ng mga first day ko sa eskwela.

UST
From:
LSRtambayan.tk
Posted December 15, 2005

First day of school. Di syempre excited ako, feeling ko ang laki laki ng campus. Naghintay kami ng isa, dalawang oras. Walang dumadating na prof. Tapos finally may pumasok na, in time for our third period. Naka maroon na polo shirt, mukhang medyo bata pa. Ang bungad niya,

"Isa lang ang pinakaayaw ko, yung mga nalalate! Sa klase ko, bawal ang malate! Is that clear?"

Sa isip ko,lagot!

"Yes sir." Sagot namin.

Tapos pina pass na yung reg form. After a few minutes, may pumasok kaming classmate, babae, medyo mataba, super maingay. Pinatayo siya ng prof, nagusap sila tapos sabi ni sir

"Class, can you please tell her what i have just told you earlier"

"Bawal ang malate"sabi namin.

"Sorry po sir sa las pinas pa po kasi ako galing" palusot nung classmate namin na maingay.sinampolan ngayon ni sir ng pagalit. bla bla bla bla. eh matapang yung kaklase ko, sinagot niya yung prof,

"Sir eh sa las piƱas pa po ako galing! Ikaw sa lacson lang, pano ka naman malalate? Besides, first day pa lang naman ng classes, wala pang ginagawa!"

"Ha? sumasagot ka? Eh kung i-singko ko na kaya yang grade mo? Hija, first year ka pa lang ganyan ka na sumagot!!"

"Sir, hindi mo yun pwedeng gawin! Subukan mo! Magrereklamo ako sa dean! Wala pa tayong ginagawa singko na?"

"Get out!! I want you out of the room!! Now!!"

Sobrang galit na si sir, nakakatakot. Kinakabahan na kaming lahat. Pero matapang yung classmate ko.

"Sir magrereklamo ako sa dean!"

"Hindi ako natatakot sayo, magreklamo ka kung gusto mo, sasamahan pa kita.

"Tapos lumabas talaga yung classmate kong babae, nagdabog. Sa isip-isip ko, ganito ba talaga sa ust? After nun sumunod si sir sa labas. Syempre kuwentuhan kami sa room

"Sobra naman yung babae"

Biglang pumasok sila sa room, yung prof saka yung babae saka mga anim pang iba.

"Kami ang artistang artlets! And we'd like to welcome you to the faculty of arts and letters!"

hahaha!Nagago kami sa first day pa lang!!!! Pag nakikita ko sila sa school naaalala ko yung ginawa nila, iniisip ko"Gagong to, tinawag ko pang sir, estudyante lang naman pala". Artistang artlet yung theater group sa college namin. Nagannounce sila na meron daw audition after class. Ang last word nung prof kuno eh
" wag kayo magalala pwede ang malate dito!!"

At least ginawa nilang uber memorable ang first day of school ko.



ESA
From:

LSRtambayan.tk
posted June 6, 2006

1st day of classes! Nagmamadali akong pumasok sa room. Nakaupo na lahat.

ako: Good afternoon, Sorry ma'am i'm late

prof: Good afternoon, name please?

ako: Abad Enriquez

prof: Abad ....is that your first name?

ako: Opo.

prof: (went over the list for a while)you're not in my list,are you sure your not from the 1:30 class?

ako: Yes ma'am, is this general psychology?

prof:Yes, ok i'll just check it on later.

Umupo na ako sa likod, nag-hi sa mga nakilala ko na nung orientation. After a minute binasa ko yung schedule ko. Lagot. Tama yung prof, sa next class pa pala niya ako!Tumawa na lang kunwari ako sa upuan saka sinabi ko sa kanya na 1:30 nga pala ako.

ako: Ma'am sorry, sa next class pa pala ako.
prof:(smiling) Ok, see you later.

Lumabas ako, nagtatawanan yung mga classmates ko, err, yung akala ko mga classmates ko.haha. Naghintay ako sa labas ng one and a half hours. Buti na lang mukhang malaking tambayan yung school.Pagpasok ko sa nung 1:30, sabi nung prof

"Welcome back!"

Kaya nung nagcheck siya ng attendance kilala na niya ako. Hayy. i think i might like it here. haha.



LSR
From:
A friendster message to a high school friend

Tinanong ko yung lalaki sa harap, sabi ko,

"Kuya, sinong prof natin?"

"Ah, Ako."

haha. kababain.(nakakahiya) Ang tanga ko talaga, nakikita ko lang kasi sya dun nung high school tayo, teacher na pala sya ngayon.




At kung akala niyo ay hindi pa natatapos ang kapalpakan ko, think again.

SPUP
June 12, 2007

10:00 am pa lang asa school na ko. Syempre first day kaya kahit maaga ako ng thirty minutes ok lang. Sobrang init, pakiramdam ko nilelechon na ko. Umakyat ako sa second floor at chineck kung may tao na sa room ko. May tao pa sa room 206, masyado pa akong maaga. Bumaba na lang ako saka naghintay sa silong ng mga puno habang patuloy na tinotosta ng araw. After 30 minutes, bumalik ako sa room 206 para tignan kung umalis na yung mga tao. Andun pa din, lumakas na yung duda ko na ito talaga yung klase ko.

"Ma'am there are people" sabi nung kalbo sa likod, saka tumawa kasabay ng mga barkada niya. Papasa na pala akong "people" kahit isa ko lang.haha.

"Good morning ma'am, Management 101 po ba 'to?"

"Yes, kanina ka pa palakad lakad dyan e bakit ngayon ka lang pumasok?"

"Ay, sorry po akala ko po kasi 10:30 pa."

"Sige, take a seat."

Kahit pang apat na beses na first day of school ko na 'to ay kinakabahan pa din ako. Umupo ako sa likuran, pinakamalapit sa pintuan.

"Do you know these people?" sabay turo sa mga kaklase ko.

"No ma'am."

"Kayo, do you know him?"

"Hindi po",tawanan ulit.

"They keep on calling you kanina eh, hindi na nila ako pinapansin nung nagpapabalikbalik ka dyan sa corridor. Baka you were classmates from your other classes?"

"Hindi po, transferee po ako, first time ko pong papasok ngayon."

"Eh bakit ka nila tinatawag?"

"Hindi ko din po alam."

Ang labo.
---------

Hindi ko alam kung magkakaroon pa ko ng panglimang first day. Pero sana naman huwag na. Nakakapagod din. Kaya kung may magtatanong sakin kung "First time mo?" Isa lang ang sagot ko. Hindi ah, puta I'm a pro.