Dec 27, 2007

Dahil gusto kong manalo ng 15,000 pesos

Ang post na ito ay para sa Project Lafftrip Laffapalooza ni badoodles ng Kwentong Barbero .

Ang totoo niyan ay mahirap akong patawanin kaya medyo nahirapan ako sa paggawa ng post na ito. Isa o dalawa sa mga ito ang ginamit kong batayan sa pagpili:

Una syempre ang humor. Gusto ko ay yung hindi haha-funny lang na blog. Dapat ay may makukuha pa rin ako habang tumatawa. Pangalawa ay ang oras na ginugugol ng mga tao sa likod ng mga blogs. Dapat masuklian ang atensiyon na binibigay nila para mapasaya ang mga tulad kong lasing sa tulog dahil sa kawalan ng pagkakaabalahan. Kasali din sa pagpili ko ang posibilidad na makasali ang mga blogs na ito sa top ten para siguradong kasali ako sa raffle. Wais 'to. Hindi ko isinali ang mga mga blogs na kaibigan ng blog na ito dahil hindi ko kayo kayang i-rank at hindi dahil hindi kayo nakakatuwa para sa akin. Ang totoo niyan ay hamak na mas naaliw talaga akong basahin ang blogs ninyo. Ito ang limang napili ko:

1. Mr D. - Kakikita ko lang sa entry ni Xienahgirl at natawa kaagad ako kaya number one 'to para sa akin.

2. Gagopolis - Babalik-balikan.

3. Maruism - Mahusay, dapat asa TV ang blogger na ito.

4. Chona Mae - Siguro ay wala ng pakialam ang blogger na ito kung manominate siya. Naalala ko lang na ito ang nagpapatawa sa akin dati kaya inonominate ko pa rin. Mas gusto ko talaga ang classic na inday. To Chona, you said you are come back soon? When will your site be construct? Me and my friend is miss you.

5. Inday - Dahil mahal ng lahat si Inday.

Sali na rin kayo! Suportahan si Badoodles! Para sa karagdagang impormasyon ay magpunta lang sa page na ito http://kwentongbarbero.com/project-lafftrip-laffapallooza/

Maraming salamat kay Badoodles para masayang project na ito.

Dec 25, 2007

Pasko naman

Madalas nating gawing dahilang ang pasko para gawin ang mga bagay na malamang ay mas mabigat sa kalooban nating gawin sa ibang pagkakataon. Maraming magkakaaway ang nagkakabati, mga luhong napagbibigyan at biglang dumarami ang tao sa simbahan. Hindi man ito ang totoong kahulugan ng pasko ay nasanay na tayong gawin itong rason para makuha ang gusto natin. Kung ako ang diyos ay titisurin ko ang mga tao at sasabihing bakit ba paimportante kayo? Birthday niyo? Painom naman jan! Pero hindi ganoon ang diyos kaya swerte talaga tayo. Hindi ko pa nagagamit ang aking "pasko naman" card ngayong taon. Wala naman akong gustong ipabili at wala rin naman akong nakaaway. Kaya sandali ko munang babasagin ang aking katahimikan sa pamamagitan ng post na ito dahil pasko naman.

Hindi kaiba ang paskong ito sa mga pasko ng mga nagdaang taon. Ako ang nagluto para sa Noche Buena dahil pagod na ang lahat sa isang taon na pagkayod. Ito lang ang tanging panahon na makakapagpahinga ang pamilya ko ng isang buong araw at hindi kailangang gumising ng maaga para magtrabaho. Ito lang ang araw na kahit paano ay matitikman nila ang buhay ko. Siguro ay tipikal na simpleng pamilyang negosyanteng Pilipino kami. Maagang gumigising ang lahat para makapagbukas ng kanikanilang mga tindahan. Mula sa lolo at lola hangang kay Mama at sa lahat ng mga kapatid niya. Magkakape sa umaga at magkakape uli sa hapon pagkatapos ng isang araw na trabaho. Madalas kong tinitignan ang liksi at sipag nila sa pagtatrabaho at madalas na napapawari kung bakit parang iniwasan ako ng kasipagan na dapat ay naroon din sa dugo ko. Kung paanong hindi ko natutunang maging katulad nila. Madalas ko na lang iniisip na siguro ay darating ang araw na magagaya rin ako sa kanila. Alam kung iyon din ang madalas nilang sabihin sa kanilang sarili. Sa pagkakataong ito ay hihilingin ko na huwag akong pagsabihan tungkol sa kasipagan, determinasyon at disiplina dahil sa mga nabanggit ko, tutal, pasko naman.

Tulad rin ng mga nakaraang taon ay lalo pa nating pinayaman ang mga kompanya ng cellphone sa pagpapadala ng pareparehong mga mensahe ng pagbati, pasasalamat at simpleng pagpapapansin lang. Madalas kong pinagiisipang maigi ang ipapadala kong text message tuwing pasko. Iyon lang ang kaya kong ibigay kaya pinaghuhusay ko na. Sabi ko nga sa profile ko ay madalas sa pasko at bagong taon lang ako magtext sa mga kaibigan kong matagal ko ng hindi nakikita. Ang kaibahan ngayon ay bukod sa pagtetext sa mga kaibigan ay nakaharap ako sa computer at nagsusulat ng entry para sa mga kaibigan at kakilala sa loob at labas ng internet. Sa inyong lahat, maligayang pasko. Sa mga malayo sa mga mahal nila sa buhay, ipinapaabot ko ang aking pagmamahal at hangad ko na sana ay dumating ang pasko na makasama niyo na ang mga taong rason kung bakit kinailangan ninyong lumayo.

----------------------------
Maraming salamat kay Chuvaness para sa kaniyang e-card at free ad dahil ako ang kanyang
swerteng ronito. Salamat din kay Kotsengkuba para sa pagiging daan para makarating ang tag sa akin at higit sa lahat kay iRonnie para sa kaniyang oras at pagod para lalo pang mapalaganap ang pagkakaibigan ng mga bloggers ngayong pasko. Salamat at muli, maligayang pasko sa inyo!

To my Ronita Sharon Cheong, Maligayang Pasko from sunny Tuguegarao!

Dec 3, 2007

Noong bata pa ako ay hindi tumatagal sa akin ang mga laruan ko. Sabi nga ng nanay ko ay sigurado siyang pagkatapos ng tatlumpong minuto ay kung hindi sira ay hindi ko na papansinin ang bago kong laruan. Nakalakhan ko na yata ang ugali kong iyon. Napakabilis kong magsawa. Paalam muna.