Sinabi ko dito na ayaw kung makisawsaw sa politics dahil kahit anong galing mo sa pagurirat ay wala ka rin namang magagawa. Pero mukhang maiibang muli ang ihip ng hangin.
Mataas ang paggalang ko sa mga estudyanteng sumasali sa mga rally. Umattend na din ako ng rally dati, kaya lang patawa lang ang pro-life rally na yun dahil hindi naman namin alam na rally ang pupuntahan namin. Masaya lang kaming umattend dahil nakasakay kami sa bus na sinasakyan ng mga growling tigers na noon ay wala pang kabangis bangis sa paglalaro ng bola. Pang picture lang talaga ang pakinabang namin at pampadami ng tao. Nakita ko pa nga ang picture ko sa front page ng Varsitarian dahil doon. Madaming tao sa picture pero angat ako sa kanila. Literal.
Naniniwala akong, sampu sa sampung estudyante na dumadalo sa rally ay tunay na nagmamahal sa bayan. Alam ko din na malamang dalawa sa sampung estudyante sa rally ay umattend dahil ayaw nilang pumasok sa klase. Apat sa kanila ang umattend dahil masayang umattend ng rally. Masayang ikuwento sa magiging apo nila na minsan ay naging parte sila ng importanteng kaganapan sa kasaysayan ng bansa. Pito sa kanila ang nagpasyang magmartsa sa kalsada dahil sa mga imaheng araw araw nilang nakikita sa telebisyon. Marahil ay galit sila at ito ang alam nilang pinakamabilis na paraan tungo sa pagbabago. Ginagalang ko ang pagtutol nila sa kurapsyon. Alam kong bukod sa mga rason na nabanggit ko ay may mas mabigat na dahilan kung bakit pinaguukulan nila ng oras at pagod ang pagrarally. Tulad ko ay gusto nila ng pagbabago at katotohanan.
Noong 2004 ay lagi kong sinasabi ng pabiro na hindi mahalaga kung sino ang mananalong presidente dahil matatanggal din naman siya sa pamamagitan ng People Power. Heto nga’t baka magkatotoo na ang sinabi ko. Sinisiguro ko na hindi ako sasali sa mga nagmamartsa sa kalsada. Alam kong sasabihin ng iba na wala akong karapatang maghangad ng pagbabago dahil wala naman akong ginagawa. Gayunpaman, naniniwala ako na hindi ang pagpapatalsik sa pangulo ang daan patungo sa pagbabago. Kung totoo ito, bakit bumabalik tayo sa lugar na kinaroroonan natin pitong taon ang nakalilipas? Iba man ang pangalang nakalagay sa plaka at iba man ang pangalang sinisigaw sa kalsada ngayon ay sumasayaw pa rin tayo sa pamilyar na tugtugin. Siguro ay hindi tayo natuto. Maliwanag na hindi rin natuto mga nakaupo sa pwesto. Maliwanag na hindi sila natakot sa mga nakaraang pagpapatalsik sa dalawang presidente . Hindi na natin yun kasalanan. Mailipad man ng hangin ang mga Arroyo palabas ng palasyo ay hindi tayo makasisiguro na isasama nila ang palyadong sistemang nagsimula ng siklo ng pagpaskil at biglaang pagpalit ng mga nakakuwadrong larawan ng nakangising pinuno na makikita sa lahat ng presinto at ahensiya ng gobyerno.