Nov 30, 2007

Abad, anong pangalan mo?


Tuwing lilipat ako ng eskwelahan ay madali akong naalala ng mga propesor at mga opisyal ng unibersidad. Dahil yun sa taglay kong talino, kagandahang lalaki at di matatawarang sex appeal. Blog ko 'to. Bago ka magmarcha sa Makati at magbalak ng kudeta dahil sa nabasa mo ay uulitin ko, blog ko 'to. Bukod sa mga nabanggit ko, imposible akong hindi maalala dahil sa dalawang dahilan. Una, asa gate pa lang ako ay matatanaw mo na ako kahit na asa kabilang dulo ka pa ng eskwelahan. May taas akong anim na talampakan at dalawang pulgada at may timbang na katumbas ng dalawang tao. Lima kung si Mahal ang gagamiting batayan. Pangalawa, mayroon akong pangalan na parati man nating naririnig na bahagi ng pangalan ng Pinoy ay bihira namang gamitin bilang unang pangalan. Abad. First name ko yun.Marami na akong naging karanasan na nagsimula lang dahil sa pagkakaroon ko ng pangalan na apelyido ng marami. Ang iba sa mga ito ay nakakatawa at ang iba naman ay nakakapikon. Gayunpaman, tinatawanan ko na lang din kahit ano pa ang kahinatnan.

Sari-saring reaksyon ang naririnig ko sa tuwing magpapakilala ako. Madalas kong marinig ang mga gasgas na hirit tulad ng "Abad? A bad dog." Ang paborito kong bersyon nun ay yung tinext ng kaibigan ng kaibigan ko na namangha siguro sa pangalan ko kaya ako tinext ng "Abad. bad dog. Sit! Play dead!" kahit hindi naman kami magkakilala. Nang gumawa ng ingay ang TV ad ng mountain dew ay napalitan naman ito ng "Abad? A bad cheetah." Pero hindi mawawala diyan ang pinaka paborito ng lahat, ang "Abad? Jose Abad Santos." Tama, ang pangalan ko ay nakatatak sa lahat ng isang libong perang papel ng Pilipinas at sa likod ng mga Catleya notebook. Siguro naman ay alam mo na ang naging sikat na hirit sa pangalan ko ng sumikat ang kantang Bad day.

Marami din naman ang sadyang mausisa. Hindi ko na nabilang kung ilang beses akong natanong kung bakit yun ang pangalan ko o kung saang bansa daw ba ito kinuha. Ang totoo niyan, sa apelyido ng kumpare ng lolo ko sa tuhod kinuha ang pangalan ko. Hindi ito kasing kulay ng kuwento ng mga pangalang hinango sa bibliya o kaya ng mga sikat na mga taong kinain na ng lupa. Nang nag Asian Studies ako ay naisip kong isagot na sa Hyderabad o kaya sa Islamabad ako pinanganak para makasakay sa pagiging Asyano pero hindi ko na tinuloy.

Marami din akong nakakainis na kuwento dahil sa pangalan ko. Kumuha ako ng kopya ng Birth Certificate ko sa NSO hotline noong nakaraang Marso. Ito ang kapirasong naalala ko sa paguusap namin ng operator:

O: First name please?
A: Abad.
O:First name po.
A:Ah, Abad.
O:Ah, unang pangalan po nila. (may tono na parang nagsasabing Tanga! First name hindi apelyido)
A: Miss, alam ko po ang first name, Abad nga. A-B-A-D
O: Ano po ulit?
A:Abad. A-B-A-D (may tono na sinong tanga ngayon? asa unang apat na letra yan ng alpabeto palitan mo lang yung C ng A hindi mo pa ma-spell)

Sa paghanap naman ng rekord ko sa mga klinika at ospital ay madalas kong mahilo ang mga nars. Lagi kasi nilang sa A hinahanap ang rekord ko. Minsan kahit nahalata ko na ang kamalian nila ay hinahayaan ko lang na maghanap pa sila ng konti. Kapag nagsawa na ako ay saka ko sasabihing "Sa A niyo po yata hinahanap, Enriquez po ang surname ko."

Noong nakaraang sem naman ay pinatawag ako ng Accounting office sa SPUP dahil may kulang pa daw sa binayad ko. Gusto ko ng magamok dahil tandang tanda ko na binayaran ko ng buo lahat ng bayarin noong umpisa pa lang. Kahit anong pindot nila sa keyboard ng computer ay hindi lumalabas ang pangalan ko. Enriquez pala ang inencode na first name ko kaya hindi nila mahanap. Karma ko na siguro yun sa pagaaksaya ng panahon ng mga nars.

May iba namang tao na kahit matagal ko ng kakilala ay nalilito pa rin. Hinding hindi ko makakalimutan ang kaklase ko last sem na nagtanong sa akin ng"Abad, anong pangalan mo?" Parang naguluhan pa ako sandali bago nakasagot. Hindi kayang iproseso ng utak ko ang tanong niya. Nagtawanan ang ibang kaklase ko at sila na lang ang nagpaliwanag. Lagi rin akong napupuna kapag alphabetical ang ayos ng pagkakaupo namin sa classroom. Dapat daw sa harapan ako. Bibilang ako ng mga limang segundo bago nila maisip na Enriquez ang apelyido ko.

Ang propesora ko naman sa literatura noong 1st year ay naiilang daw sa pagtawag ng apelyido sa mga estudyante niya. Nagpaliwanag akong pangalan ko naman yun pero hindi daw siya talaga komportable. Ang ending, tinawag niya akong junior. Mali," juuuniyeeer" na talaga namang may halong pangungutya pa sa pinakamalaking estudyante niya sa klase.

Pero ang pinakamatindi sa lahat ng pagkalito ay ang text message ng sobrang ganda kong kaibigan na si Yenyen noong nakaraang Undas.

"abaaaaaaaaad!!! Natkot ako, my nkta akong lapida dito sa loyola nakalgy, enrique s. abad!! Saka k lng naalala. Katangahan nanaman!!!:)" Pati ako ay medyo natinag. Tignan mo nga naman, nakalikha ako ng kuwento dahil lang sa apat na letra.

Ikaw, anong kuwento ng pangalan mo?

Nov 28, 2007

Tags!



1st tag- Ronito Ronita

I'm tagging everyone here.

I got this tag from Kotsengkuba

*copy starts here*

How to Join?

  1. Fill up and submit the details of the form here.
  2. Copy and post the rules to your blog. Include the “backward list(a record of how the tag reached you) and add your name.
  3. Recruit for participants. Be sure to get their consent. Should they agree to join, add them to your “forward list” (bloggers you’ve convinced to join). Remind them to do item #1.

** Participants will be accepted until December 16 (Phil. time) only. On December 17, the organizer will email to you the details of your Ronito/Ronita. Send him/her a Christmas greeting via E-cards preferably on December 25. Should time be a constraint, you can send it earlier.

***Don’t forget to include this tag***

My Backward Link List (a record of how the tag reached me): iRonnie - Jeprocks - bluepanjeet - Kotsengkuba - “ Schoolhopper“ - "your name here"



Fill in your forward lists as necessary. Here’s mine:

My Forward Link List (bloggers who joined): Ignoramus Kingdaddyrich


*copy ends here*



---------------------------------------------------------------


2nd tag- Why do I blog? I'm tagging Ignoramus and The Deity on this one.

I was tagged by Iceyelo.

1. How long have you been blogging? I started blogging three years ago. It's so silly because my only reader was the same person that I'm with everyday. I started this blog last June but it was only last October when I started blogging regularly.

2. What inspired you to start a blog and who are your mentors? Clara introduced me to blogging. I can't think of any mentors. I guess I only learned from the blogs that i read frequently then. I started this blog so my friends won't ask me the same questions whenever I visit them. Instead of answering questions like "St. Paul? Di ba pambabae yun?" or "Pumapasok ka na bang gago ka?" every time I see them, I could just answer them here. Too bad very few of them read this crap.

3. Are you trying to make money online, or just doing it for fun? I'm blogging for fun.

4. Tell me 3 things you LOVE about being online. I love being online because 1.I have nothing else better to do. 2. It updates me with my friends' lives . 3. Free downloads.

5. Tell me 3 things you STRUGGLE within the online world.
1. I struggle with using codes. 2. The web has way too many better things to offer than stuffs I need for school so I always end up doing other things when I really should be doing my homework. 3. I can't think of any, but there's gotta be one more thing. Ahh, answering tags? It took me more than a week before I could answer this and I only came up with this? Haha.

Nov 26, 2007

Alaala ng mga bagyong nagdaan

Dear Ate Charo,

Hindi metaphorical ang title ko, bagyo talaga ang pagkukuwentuhan natin.

Ilang linggo lang matapos ang huling bagyo ay dinadaanan nanaman ang probinsya namin ng panibagong bagyo. Rinig ko ngayon si bagyong Mina habang nagpapapansin sa labas ng bahay namin. Ang dala niyang malakas na hangin na kumakalampag sa yero ng ilang kapitbahay at ang tunog ng tuloy tuloy na buhos ng ulan ang nagpapanatiling gising sa akin ngayon. Sabi ng PAGASA ay bukas pa darating ang bagyo. Mahirap talagang umasa sa kanila. Hindi na yata lilipas ang isang taon dito sa rehiyon dos na hindi kami mapeperwisyo ng bagyo. Kulang na lang ay isama sa kurikulum ng paaralan ang mga dapat gawin tuwing may bagyo.

Masaya ang bawat alaala ko ng bagyo mula sa aking pagkabata. Ito lang ang pagkakataon para sa pamilya ko na makapagpahinga at makatambay maghapon sa bahay. Masarap kumain ng sopas sa hapag kainang iniilawan lamang ng kandila habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Kuntento na din kami sa radyo dahil dati ay kaunting ulan lang ay mawawalan na kami ng kuryente. Sa bagay, hindi naman ganun kalaki ang pagbabago sa ngayon. Malamang nga ay bago ko matapos ang entry na ito ay mag brown out na. Noon ay naiinggit ako sa mga bahay na may generator. Generator ang sukatan ko dati ng estado sa buhay ng mga tao. Kung wala kayong generator, hindi kayo mayaman. Nang bumili sila tatay ng generator noong high school ko lang nalaman na mali ang haka haka ko.

Nang minsang pasukin ang bahay namin ng baha ay natuwa talaga ako. Yun na siguro ang pinakamalapit sa katuparan ng pangarap ko na magkaroon ng swimming pool ang bahay namin. Pinagmalaki ko pa yun sa mga kaklase ko pagkatapos. Hindi ko man lang ininda na nalugi kami dahil nabasa ang mga panindang abono sa bodega dahil doon. Wala akong kamalay-malay na may mga nawalan ng tirahan at mahal sa buhay dahil sa parehong bagyong pinanggalingan ng tubig na pinagtampisawan ko sa loob ng bahay. Yun ang pinakamalaking pagkakaiba ng mga bata sa atin. Hindi natin sila pwedeng husgahan kung nagagawa nilang maging masaya at walang pangamba sa isang araw na malilibre sila sa eskwela. Kahit madalas ay ang ibig sabihin nito ay pagkasira ng kabuhayan at ariarian nila at ng ibang tao.

Iba naman ang eksena ng tumungtong ako sa kolehiyo. Kung taga uste ka ay dapat kay Arnold Clavio ka tumutok kung may bagyo dahil siguradong alam niya ang sagot kung may pasok o wala. Noong asa uste pa ako ko natutunang kausapin si Arnold Clavio sa pamamagitan ng mental telepathy."Arnold, tinext ka na ba ng UST? Bilis, sabihin mo na bago ako maligo." "Arnold, wala pa ba? baka masayang lang pagpalit ko ng uniform." At pag handa na akong umalis saka niya sasabihing "Sa mga estudytante ng University of Sto. Tomas, walang klase sa lahat ng antas. Ito o, katetext lang, Hello sa inyo jan mga taga UST!" Makailang beses nangyari yun. Saka lang sila magkakansela ng klase pag papasok ka na o pag may mga estudyante na sa school. Sa susunod na araw naman ay madaling araw pa lang kakanselahin na ang klase para makabawi naman sa mga kawawang pumasok ng maaga ng nakaraang araw. Kung estudyante ka ay alam mo na ang karugtong ng kuwento. Magiging maaraw na at payapa ang kalangitan sa susunod na araw. Mapupuno ang mga malls ng mga estudyanteng nagpaalam sa nanay nila na magreresearch sa library.

Noon din nauso ang mga text na, "To all s2dnts, there will be no classes tomorrow, as seen on d news. pls pass. :)" Yung iba mas madetalye "Attention: The Comission in Higher Education had announced the suspension of classes on NCR and Bulacan today. For more info visit www.inq7.net . Good day." Meron ding kaswal "hoi, totoo daw na wlng pasok, tinxt ng kaibigan ko...hahaha. txt mo ung iba, inuman daw sa bahay nila kris" Sunod sunod yan kung dumating, nakakatulili na nga kung minsan. Ang mapapayo ko lang ay wag agad maniwala sa mga text message lalo na pag galing sa akin dahil madalas kong pangunahan ang DECS at CHED sa pagsuspinde ng klase. Gayunpaman, walang pagkakataong nagkamali ako. Minsan nga pakiramdam ko nakakarating sa PAGASA ang mga text ko. Kailangan ding basahin mo hangang kaduluduluhan ang mga ganyang uri ng mensahe dahil madalas ay may panggagago yan sa huli. Gaya nitong katatanggap ko lang,
" NEWS UPDATE: No classes and works on monday. 2 typhoons r xpected to hit the country ds wk. (a msg from PAG-ASA)








PAG-ASA ng mga tinatamad.
Pls. pakalat!"

--------

Tama nga ako, nagbrownout kagabi bago ko matapos 'tong entry. PAGASA alam kong nababasa niyo 'to dahil siguro ay friendster at bloghopping lang ang inaatupag niyo. Maaraw na sa amin ngayon. Sabi ninyo ngayon ang bagyo? Pero masaya akong nagkamali kayo.

Nov 22, 2007

Kuwento ng isang pakialamerong walang social life

Nadatnan mo na ba ang sarili mong nakaupong magisa sa isang kapihan at napawari kung ano kaya ang iniisip ng estrangherang nakaupo sa katapat mong lamesa tuwing hahalakhak siya? Nasubukan mo na bang hulaan kung ano ang ibig sabihin ng lalaki sa kabilang lamesa sa mga titig at ngiti niya sa babaeng kasalo niya sa hapunan? Habang nagsusulat ako ngayon at sinusulit ang pangatlong refill ng kape sa katangi-tanging kapihan sa Tuguegarao na may wi-fi ay hindi ko mapigilan ang sarili kong basahin ang galaw ng aking mga kasabay. Samahan ninyo ako sa aking pagkamangha sa mga mukhang malamang ay hindi ko na muling makikita ngunit minarapat ng mundong ito na makasabay ko ngayong gabi.

Tanaw ko ang lamesa sa kanang sulok ng smoking area na kinauupuan ko ngayon ang isang pares na nagkukuwentuhan at nagtatawanan matapos kumain. Mukhang Amerikano ang lalaki at ang babae naman ay hindi makakailang taga rito kahit pa nakatina ang buhok. Siguro ay sa internet sila nagkakilala dahil ganoon naman lagi ang mga nadirinig kong kuwento. Hindi man maliwanag ang parteng iyon ng establisimentong ito ay naaninag ko ang mapungay na mata ng babae sa bawat panakaw niyang pagtingin sa kanyang kaharap. Naisip kong hindi pa sila gaanong magkakilala kaya hindi pa niya ito matignan ng diretso. Naririnig ko ang kanilang magkaibang punto ng pagiingles at napatanong ako sa sarili kung nagkakaintindihan nga ba sila? Totoo kaya ang tawa ng babae o pinipeke lamang niya yun upang hindi mapahiya ang kasama? Kagustuhan kaya niyang sumama sa Amerikanong ito o kinailangan lang? Sa makailang pagtingin ko sa babae ay saka ko lang napansin ang kanyang ganda. Para bang nakita ko na sa kabila ng kanyang may kulay na buhok at makinang na damit ay ang isang simpleng probinsyanang naghahangad lang ng maayos na buhay para sa kanyang pamilya. Masyado na yatang malayo ang narating ko sa simpleng tanawin lang. Wala namang makakapagsabi kung ano ang tunay na hangad nila sa isa't isa kung hindi sila lang. Hindi naman imposible na ito ang simula ng isang masayang relasyon para sa kanila. Hindi rin malayong mangyari na kabaligtaran nun ang patutunguhan ng kanilang paguusap ngayon. Sino ba naman ako para humusga?

Sa loob naman ng coffee shop ay nakaupo ang kadarating lang na pares na abala sa paggamit ng laptop at mp3 player. Ilang dangkal lang ang layo nila sa isa't isa dahil pinagdidikit sila ng tig-isang piraso ng earphone na kanilang pinagsasaluhan. Siguro ay matagal-tagal na rin silang magkakilala. Mahirap sabihin kung magkaibigan sila o kung higit pa dun. Kaswal na kaswal lang ang dating nila pero may nagsasabi sa akin na ang lalaki ay may pagtingin sa babae. Alam mo yung dating na para bang iniisip niya ang susunod niyang sasabihin? Kung tama ako ay malamang alam ko na ang laman ng isipan niya ngayon. Ayaw niyang magmukhang masyadong agresibo o masyadong interesado. Tinatantya niya kung may pagasa ba sya o maaaksaya lang paggamit niya ng gel at pabango ngayong gabi. Hindi ko na maalala ang huling pagkakataon na ako naman ang nasa puwesto niya.

Hindi makita ng iba ang sarili nilang kumakain magisa sa labas. Mahirap nga namang mapaligiran ng bakanteng mga upuan habang naririnig ang tawanan ng magkakaibigang kasabay mo. Pero sa dalas kong ginagawa ito ay natutunan ko nang magustuhan. Natutunan ko ng tanggapin na wala mang malaking kaganapan sa buhay ko ngayon ay dapat na akong maging masaya dahil mayron naman sa iba. Isa nanaman ito sa mga gabi ng buhay ko na kung hindi ko sinulat ay magtatago na lamang sa likod ng aking mga alaala. Sinong makakapagakala sa mga inosenteng taong pinagmasdan ko ngayon na nabigyan nila ako ng kuwento? Maari din na bukas ay ikuwento nila na mayroon silang nakasabay na wirdong tingin ng tingin sa kanila.

Nakakamangha talaga kung paano pinaghahabi-habi ng lumikha ang mga kaganapan na bumubuo ng ating sarisariling mga istorya. Kung paano tayo nagiging karakter sa mga kuwento ng taong hindi naman natin alam ang pangalan. Ngayong malamig na gabing ito ay ako ang lalaking walang magawa kung hindi pagmasdan ang posibleng kuwento ng pagibig ng ibang tao. Tinadhana nga siguro na makita ko ang lahat ng ito para malaman ko na maaring bukas ay ako naman ang nasa kalagayan nila. Darating ang panahon na ako naman ang magiging bida ng sarili kong kuwento. Maaring bukas ay ang kuwento mo naman ang isusulat ko. Pag dumating ang iyong panahon, pagmasdan mong maigi kung may nakatingin sa inyong lalaki habang nagpapanggap na abala sa pag-iinternet. Huwag kang magalala, hindi siya rapist, ako lang yun.

Nov 20, 2007

Trust

Trust. Pagtitiwala. Brand din ng condom. Pagtitiwala walang bata. Pag may condom wala ring bata. Makes sense no? Pag hindi mo nakuha, basahin mo uli. Minsan pakiramdam ko ay isa akong lumang condom. Magdadalawang isip ka muna kung isusuot mo pa. Hindi mo na gamitin kung wala kang sukdulang pangangailangan.

Hindi na bago ang kuwento ko. Sigurado akong mayroon kang pinsan, kaibigan, kaklase o kapitbahay na hawig ang istorya sa akin. Malamang ang iba sa kanila ay huminto na sa pagaaral dahil nawalan na ng pagasang maaari pa silang magbago. Ganun na rin siguro ang kinahinatnan ko kung wala ang aking pamilya at mga tunay na kaibigan. Nakikiusap ako na bigyan ninyo ang mga kakilala ninyong katulad ko ng pagpapasensya at pangunawa. Kung hindi ninyo kaya yun ay huwag niyo na lang silang pakialaman. Mas mabuti pang panoorin ninyo na lang silang sirain ang kanilang mga sarili imbes na kutyain at pagmataasan pa.

Madalas akong sabihan ng mas maagang oras ng pagkikita-kita pag may meeting o praktis sa eskwela. Alam kasi ng mga kaklase ko na mas madalas pa akong malate kaysa sa mga periods nila. Pinagkakasunduan na nila na ipaalam sa akin na alas-otso ng umaga ang meeting kung alas-nuwebe ito. Hindi ko naman sila masisisi dahil madalas ay late pa rin ako. Makailang ulit ko ring maririnig ang mga tanong na, "Kaya mo bang matapos yan on time?" o kaya ay, "Papasok ka ba bukas? Sure ka? Dalhin mo yang assignment natin ha?" bago ipagkatiwala sa akin ang isang gawain. Nasasanay na rin ako sa mga nakakapikong tanong ng mga kamaganak ko kung pumapasok na daw ba ako ng regular at gumigising sa tamang oras.

Mahirap magtiwala sa mga taong tulad ko na may rekord ng matinding katamaran. Parang mataas lang ako ng sampung baitang sa isang ex-con. Nahirapan akong makahanap pa ng eskwelahang tatanggap sa akin matapos kong magpalipat-lipat. Tinanggihan ako ng ilang mga taong gumagamit ng masangsang na pabango na nakaupo sa mga de-aircon na opisina. Dean yata ang tawag sa kanila. Hindi ako binigyan ng pagkakataong magbago ng mga institusyon mataas ang tingin sa sarili. Para sa kanila, isa akong dumi na sisira sa malinis nilang pangalan. Hindi ko sila masisisi dahil may reputasyon silang pinangangalagaan. Pero masakit na mabalewala dahil sa mga numerong nakasulat sa kapirasong papel na batayan ng marami sa kakayahan ng isang tao. Alam kong madaling sabihin na kasalanan ko rin naman kung bakit kailangan kong pagdaanan ang lahat ng ito. Tanggap ko iyon.

Kaya malaki ang pasasalamat ko sa mga unibersidad na tumanggap pa sa akin sa kabila ng transcript of record ko na nagmumura sa dami ng failure due to absences at withdraw without permission. Sa Entrepreneurs School of Asia na naniniwala na lahat ng batang may pera ay kakayahang magbago at maging mahusay sa larangan ng negosyo. Salamat, alam kong malayo ang mararating ng inyong eskwelahan. Sa University of La Salette Roxas Campus, salamat sa papapaalala sa akin kung paano ako nagsimula. Salamat sa muling pagtanggap niyo sa akin. Sana'y isang araw ay makatulong ako sa inyo sa kahit anong paraan. Higit sa lahat, salamat sa St. Paul University Philippines sa pagbabakasakaling baka sila na ang makakapagpabago sa akin. Alam kong malaki ang aking utang na loob sa inyo sa lawak ng pangunawang inyong ibinigay. Sa aking dean na si Ms. Jocelyn Carag, hindi sapat ang pasasalamat lamang para sa pagtanggap mo sa akin at sa pagtulong upang makapagtapos at manatili na sa iyong eskwelahan. Sana'y maging karapatdapat ako sa kabutihang ibinigay ninyo sa akin.

Hindi ito ang unang beses na sasabihin ko ito, pero nagdarasal ako na sana ay ito na ang huli. Dito na ako magtatapos. Sisikapin kong maging isang mabuting chocolate flavored condom. May tamang tamis at pait, pero ang mahalaga, mapagkakatiwalaan.

Nov 17, 2007

Regalong Pamasko

Nageenjoy akong magbigay ng regalo tuwing pasko. Una, dahil gusto kong magmukhang mabait at maalalahanin. Pangalawa, dahil gusto kong ipamukha sa mga tao na may pera akong pambili at pangatlo, gusto kong mahiya ang pagbibigyan ko pag hindi nila ako nabigyan ng regalo. Masaya silang panooring magmadaling maghanap ng regalo para sa akin. Syempre kasama din dun ang excitement ng paghahanap ng tamang regalo para sa mga mahal ko at ang oportunidad na maiparamdam ko sa kanila kung gaano sila kaimportante sa akin.

Kung meron mang mas masaya pa sa pagbibigay ng regalo ay ang...tama ka! Ang pagtanggap ng regalo. Ang tanging basehan ko kung magugustuhan ko o hindi ang isang regalo ay ang practicality nito. Gusto ko yung totoong mapapakinabangan o kaya yung sobrang impraktikal, nakakatawa na.
Ito ang ilan sa mga nakita kong pasok na pasok sa criteria ko. Sa mga kakilala ko hihintayin ko tong mga 'to bago magpasko. Welcome na welcome din kahit yung mga hindi ko kakilala.
1. Yubz Talk

May henyong gumawa ng cellular phone para mabitbit natin ang telepono kahit saan tayo magpunta. Ngayon, may nakaisip namang gumawa ng handset na maikakabit mo sa cellphone para makaagaw ng pansin at magmukhang tanga. Sinong mas matalino sa kanilang dalawa? Kayo ang magpasya.

Napakaimpraktikal nito kung iisipin pero nakakatuwa, hindi ba? Nakikinitakinita ko na ang reaksyon ng mga kaklase ko pag ginamit ko ito sa skwela. Mabibili ito sa lahat ng Rustan's Department Store o sa kanilang website - http://www.yubz.com/

2. Cake
Kung hindi kayo makaisip ng regalo para sa akin ay hindi kayo magkakamali pag napagpasyahan ninyong bigyan ako ng cake. Huwag lang fruitcake dahil ayoko nun. Wala rin akong kakilalang may gusto ng fruitcake. Ang nasa picture ay ang Chewy Cookie Cake ng Mrs. Fields. Kung makakatanggap ka nito sa pasko ay kainin niyo agad dahil hindi na ito magiging chewy pagkatapos ng tatlong araw. Kung hindi ninyo kayang maubos agad ay malugod ko kayong tutulungan. Kahit hindi Mrs. Fields ay tatanggapin ko pa rin. Hindi naman ako mapili.


3. Peel
Mahirap hanapin dito sa probinsya ang yosi ko. Minsan nga ay naiisipan ko ng mag-shift sa La Campana at Ms. Philippines. Kung hindi mo pa naririnig and dalawang brand na yun, yak, mayaman ka.
Kahit hindi pasko ay pwedeng pwede mo akong padalhan nito. Wala na akong maisip na higit pang paraan ng pagsasabi kung gaano mo ako kamahal kundi ang bigyan ako ng yosi. Para mo na ring sinabing " Abad, mahal na mahal kita kaya hinahayaan kong patayin mo ang sarili mo unti-unti." Touching talaga pare. Mabibili ito sa pinakamalapit na convenience store, pero mas mura pag sa sidewalk vendor sa Dapitan o sa Morayta mo ito bibilhin.

4. Payong

Kelangan mo pa ba ng picture? Ano ka kinder? Kindergarden? :P

Bigyan niyo naman ako ng payong. Nanghihinayang kasi akong bumili kasi alam kong mawawala ko lang o kaya masisira. Baka pag bigay mas pahalagahan ko muna, bago ko iwala.

5. Dry Seal
Madalas mga eskwelahan lang ang may ganyan. Madami akong papel na natatakan ng dry seal. Mga honorable dismissal saka yung notebook ko noong 1st year high school. Tinadtad ko kasi ng tatak ng minsang maiwan ako magisa sa opisina ng simbahan. Sa mga nalilito, iba ang dry seal sa pantatak ng teacher nyo ng star noong grade 1 kayo na lagi nyong itinatatak sa kamay mo pag hindi sya nakatingin. Ito yung gamit sa mga certificates. Hindi ko alam kung bakit ko kailangan ang dry seal, pero nageenjoy ako gamitin 'to. Hindi ko rin alam kung saan mabibili, kung may access ka sa opisina ng registrar nyo, tumatanggap ako ng nakaw.

Iyan lang ang mga hiling ko ngayong pasko. Ayokong mag-wish ng mamahaling mga bagay kasi alam ko namang hindi niyo rin ako bibigyan. Unang batas ko sa buhay ay ang hindi paghangad ng mga bagay na alam kong hinding hindi ko naman makukuha. Masakit sa hearts saka sa brains pag ganun.

----------------------------
I was tagged by Parisukat

8 Random Things about Me

1. I have studied in four different schools for the past four years.
2. I always tell people that i would die before i turn 20, I'm 19 now.
3. I still find it tricky to tell time using an analog clock.
4. I don't like animals.
5. Do not expect me to remember your birthdays.
6. I can not drive.
7. I still don't know where my parents got my name from.
8. God had given me a family who stood by me after all the wrong turns I had. Just for that, I consider myself lucky.


I'm tagging Grace .

Nov 15, 2007

Cheating 101- Lesson 1

"Be honest, even if others are not,
even if others will not,
even if others cannot."
-anonymous

"Pakyu ka anonymous! Mapanghusga!"
-others

Kung meron akong piso sa bawat estudyanteng kakilala ko na hindi nakaranas mangongpya pag quiz, wala ako kahit isang piso ngayon. Parte na ng buhay estudyante ang pangongopya. Diyan tayo nakakabuo ng sarili nating alliance. Dyan din natin makikilala ang iba't ibang klase ng estudyante pag quiz o exam ang eksena. Ito ang ilan sa kanila:

User-friendly - Sila ang mga taong kinakausap ka lang pag manghihiram ng notes o kaya ay pag may naka-schedule na quiz o exam. Madalas ay parang hindi ka niya kakilala pag nakasalubong mo sya sa corridor. Magtataka ka dahil alam naman niya pati middle name mo dahil pati yun ay nakopya nya noong nakaraang exam. Sa gabi, pag tinext mo sya para ibalik na ang hiniram na notes mo ay rereplyan ka lang niya ng "hu u?"

Palengkero - Mahirap sila hanapin pag may quiz na. Palipat-lipat sila ng upuan hangang makahanap ng Bespren ng Bayan. Para silang namamalengke ng sagot, hindi titigil hangang hindi nakukuha ang pinakasariwang sangkap. Pag nasita sila ng teacher madalas na palusot nila ang "Ma'am hindi ko makita pwedeng lumipat sa harapan?" o kaya, "Mainit po kasi sa harap kaya lumipat ako sa likod." Pag nagkaubusan na ng eksplenasyon ay sila pa ang makapal na nagsasabi ng "Nahuli ko po kasing tumingin sa papel ko yung katabi ko kaya lumipat ako dito."

Bespren ng Bayan - Pinaglihi sa pagbibigay ang mga estudyanteng ito. Hindi sila marunong magtakip ng papel pag exam. Madalas pa nga kahit wala sa plano mo ang mangopya maririnig mo na lang silang bumubulong ng sagot. Invited siya sa lahat ng inuman. Madalas silang ilibre sa canteen pagkatapos ng quiz. Badtrip sila katabi pag nagreview ka talaga kasi sasayangin lang nila ang pagod mo. Magingat lang dahil ang iba sa kanila ay malakas lang ang loob magbigay ng sagot pero hindi rin naman tama.

Bespren ng iilan - Sila ang mga wais. Nagrereview sila at pinipili lang nila ang pagpapakopyahan. Pag hindi ka nila crush, textmate o kaibigan, huwag ka ng tatabi sa kanila dahil nagiging Buwakina sila.

Buwakina - Kung mahigpit ang propesor mo sa seating arrangement at sila ang nakatabi mo, may dalawa kang choices - magaral ka ng puspusan o i-drop mo na ang subject. Kung babae sila at mahaba ang buhok, nagmimistula silang Sadako pag quiz. Nakalugay ang buhok at nakaharang sa mga sagot. Kung hindi naman ay may dala silang panyo para matakpan ang sagot nila. Kung user-friendly ka ay sila ang dapat mong kaibiganin dahil madalas ay wala sila masyadong kaibigan.

Bluffer - Parang Buwakina rin sila pero mas cool ang dating. Paborito nilang linya ang "May quiz ba? Shit, hindi ko alam! Notes nga!" pero ang totoo magdamag silang nagreview noong nakaraang gabi. Ayaw lang nilang magpakopya at gusto lang nilang magmukhang matalino dahil pumasa sila kahit hindi nagreview. Hihirit sila ng linyang hawig sa "Wow, pumasa ako, hindi pa ako nagrereview nyan!" pagkatapos maibigay ang score.

Tamang Zen - Wala silang pakialam. Lagi nilang iniisip na papasa rin naman sila kahit anong mangyari. Niloloko nila ang sarili nila na babawi na lang sila sa susunod na quiz. Memorize nila ang mi-ni-mi-ni-my-ni-mo sa lahat ng version hangang remix. Mapapansin mong sila ang kauna-unahang nagpapasa ng papel. Pag may essay naman ay nakatingin lang sila sa kawalan at kunwari'y nagiisip. Sa swerte lang sila umaasa at sa paminsan-minsang pagbulong ni Bespren ng Bayan ng sagot.

Sino ka sa kanila?

Nov 12, 2007

Tuguegarao: Tricycle at Batil Patong Country

Ngayon ko lang napansin na bihira kong mabanggit ang Tuguegarao kahit na asa title pa ito ng blog ko. Bilang pagdiriwang sa panibagong milestone ng buhay ko, ang pananatili sa parehong school matapos ang isang sem, hayaan niyong bigyan ko kayo ng patikim ng siyudad na tinitirhan ko ngayon.

Ang Tuguegarao ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Araw araw ang biyahe ng mga bus galing Maynila patungo dito. Tatlong beses naman kada linggo kung lumipad ang eroplanong byaheng Tuguegarao mula Maynila at isang beses kada Linggo galing Macau, sosyal. Meron itong land area na blah blah blah. I-google niyo na lang kasi hindi ko rin alam, saka baka maging informative ang blog ko. Nakakatakot. Ito ang alam ko, na mas marami pang tricycle dito kesa tao. Two is to one ang ratio nila. Bawat lingon mo ay may mahahanap kang pansitan na nagtitinda ng Pancit Batil Patong. Maniwala ka sa akin dahil marunong ako sa istatistiks, pumasa ako riyan. Kaya lang bagsak ako sa Filipino kaya, wag pala tayong nagpapaniwala sa eskwelahan.

Makukulay ang mga tricycle sa Tuguegarao. Kung jeepney ang hari ng kalsada sa Maynila ay tricycle naman ang sa amin. Nakikipagsabayan sila sa mga kotse at kalesa araw araw. Kung maraming aroganteng taxi drivers ang Maynila, hindi kami magpapatalo. Sabi nga ni Vic Sotto, wala yan sa lolo ko. Meron akong kaklaseng German na nagbayad ng limang daang piso sa tricycle driver at hindi na sinuklian. Mahilig silang magtaas ng presyo sa mga halatang hindi tiga rito. Kaya kung may balak kayong bumisita sa Tuguegarao para makita ang pinakasikat nilang tourist attraction, ako, alamin ang tamang presyo ng pamasahe para hindi kayo maloko. Mayroon pa rin namang tapat na tricycle drivers dito, bihira ko nga lang siguro nila akong maging pasahero.

Hindi pwedeng mawala ang pagkain ng Batil Patong sa listahan ng dapat subukan pag nandito kayo sa Tuguegarao. Ang Batil patong ay ang inyong pancit guisado na lalong pinasarap at ginawang mas interesante ng mga taga dito. Mayroon itong sawsawang toyo at sibuyas at pinatungan ng malasadong sunny-side up na itlog. Hindi ito makukumpleto kung hindi mo sasabayan ng sabaw na espesyal na kapares ng Batil Patong. Nai-feature ito sa isang travel show dati at nang tanungin ang host kung ano ang lasa, sinabi nitong, "Lasang spaghetti." May sira yata ang panlasa ng taong yun.

Naalangan akong kainin ang Batil Patong ng una ko itong makita. Pancit na may sibuyas at itlog? Parang kadiri. Ngunit ng maubos ko ito ay hinanap hanap ko na. Ang hula ko nga ay ang pagluluto ng pansit ang dahilan kung bakit sobrang init sa Tuguegarao at ang Pancit naman ay may special secret ingredient para makaya ng balat namin ang init. Maaari ano? Kaysa naman sa theorya nung tricycle driver na tinanong ko, may butas daw ang ozone layer sa Tuguegarao kaya mainit. Ano yun manong, parang wi-fi zone limitado lang ang sakop? Dito lang butas?Kung kayo ay nandito, itext niyo lang ako at ililibre ko kayo sa Budyok's o kaya ay sa Nang's, ang mga paborito kong pansitan.

Masaya akong bumalik dito sa Tuguegarao matapos ang bakasyon. Panibagong pakikipagsapalaran nanaman ito sa mga tricycle drivers at paghahanap ng kasagutan kung bakit laging maaraw sa Tuguegarao.

Nov 7, 2007

Bagyong Kabayan

Hindi ito weather report.

Siguro ay napanood niyo na sa TV na binagyo kami dito, kung hindi niyo yun napanood, aba, manood naman kayo ng balita hindi puro Marimar at Big brother lang ang alam niyong panoorin. ( Wala akong pinatatamaan, Cheenee, Grace.) Dahil sa malakas na bagyo, nabulabog siguro ang pagong namin na matagal ng walang nakakakita at nagpasyang lumabas mula sa kung saan mang pinagtataguan niya. Sobrang saya ng mga kapatid ko ng nakita nila ang pagong na naglalakad sa kusina namin, para ngang mas masaya pa sila kesa sa pag nakikita nila akong dumadating sa bahay.

Melanie: Kuya! Bilis, andito yung pagong!
Abad: Hala, buhay pa pala yan.
Melanie: Oo nga, akala ko eh nawala na yan.
Lucky: Ano kaya kinakain nya?
Melanie: Kuya ano kinakain ng pagong?
Abad: Ewan ko.
Melanie: Ang tagal ko ng hindi nakikita yan, siguro eh fifty years old na siya diba kuya?
Abad:???
Lucky: Hindi tatlong araw pa lang sya.
Melanie: Weeehh, tatlong araw? Ang tagal tagal na nga.
Lucky: Kuya wag mong lalapitan ang laki laki mo, matatakot siya, di ba ate?
Melanie: Oo nga.
Abad: Ano bang pangalan ng pagong nyo?
Lucky: Ahh.. Pagong.
Abad: Wala ng iba?
Lucky: Pagong nga.
Melanie: Ano ba sya kuya, lalaki o babae?
Abad: Ewan ko.
Lucky: Eh, sabi nila dati lalaki siya.
Melanie: Lalaki? Alam ko na, Tintin.
Abad: Lalaki nga eh.
Melanie: Di Tonton.
Lucky: Buldang na lang!
Melanie: He!

Tuwing ganoon na ang eksena ay umaalis na ako dahil alam ko ng masusundan yun ng asaran at iyakan. Nakakatuwa talaga ang mga bata. Nakakatuwa din ako noong bata ako eh. Hindi ko alam kung anong nangyari.

-----------------------------------------

Dahil brownout uli, lumuwas ako sa Manila noong Lunes para maginternet saka para kumain sa UP. Oo, bumiyahe ako ng sampung oras para lang dun. Bumisita din ako sa doktor. Asa taxi ako ng biglang may nagtext na matagal ng hindi nagpaparamdam sa akin. Saktong umuulan yun at kulay abo ang paligid. Pag tingin ko sa labas nakita ko sa billboard yung pangalan niya sabay tumugtog yung "Only reminds me of you" sa radyo. Habang nakatingin ako sa billboard at sa reflection ko sa salamin ng bintana ng auto naisip ko,ano ka ba universe? Tamang MTV?

Driver: Ano yun sir?
Abad: Ah, wala po.

Napalakas pala ang pagiisip ko.

Nov 2, 2007

(Isang post na maraming parenthesis)

Reunion ng pamilya namin sa side ng Tatay (lolo) ko tuwing araw ng mga patay. Wala akong gaanong kakilala sa kanila dahil ang mga pinsan ko sa side ng Nanay (lola) ko ang kasama kong lumaki dahil sa Roxas kami lahat nakatira habang kalat kalat naman sa Isabela ang mga kamaganak ni Tatay. Taon-taon pagkatapos mananghalian sa Roxas, bumibyahe kami ng bente minuto papuntang Aurora para umattend ng reunion at dalawin ang lolo at lola ko sa tuhod na matagal ng tigok.

Natutuwa ako sa mga reunion kasi kahit bihira magkita sila Tatay at ang mga kapatid niya, makikita mo na matatag pa rin ang samahan nila. Isa pa, hindi ako naasiwa tulad sa ibang party kung saan ako ang pinakamatangkad o ako ang pinakamataba. Pag reunion, medyo nakakablend in ako. Mula nung bata ako, hindi matatapos ang reunion na walang nagtatanong tungkol sa pagaaral ko. Wala na siguro silang ibang maisip na mapagkuwentuhan dahil hindi naman nila ako gaanong kakilala. Heto ang mga naalala kong eksena nitong mga nakaraang undas.

Nov. 1, 2004

Tito: College ka na di ba? Ano bang kurso mo?
Ako: Asian Studies po.
Tito: Ano naman yun?
Ako: Parang history po na may eco saka philo, basta tungkol po sa Asia lahat.
Tito: Ah. (Sabay hithit ng yosi) Nag-narsing ka na lang sana.
Ako:(fake na ngiti)
Tito: Ano namang trabaho pagkatapos?
Ako: Hindi ko pa po alam.
Tito: Kung nag-nars ka makakapag-abroad ka pa sana.
Ako: Ah..Tawag na po yata ako ni Mama, sige po.

Nov. 1, 2005

Hindi ako umattend. Nagkunwari akong may sakit.

Nov. 1, 2006

Walang masyadong umattend saka umuwi kami agad.

Nov. 1, 2007

Lola (Kapatid ni Tatay): Anong year ka na ba?
Ako: 2nd year po. (Winiwish ko na sana wag nila maalala na four years ago eh 1st year ako at dapat ay fourth year na ako ngayon.)
Lola: Ah, pagbutihan mo.
Ako: (Yes! Hindi naalala.) Opo.
Lola: Ilang taon na ba sya? (tanong kay Nanay)
Nanay: Magna-nineteen.
Ako: Nay, magbebente na 'ko.
Tita(Pinsan ni Mama): Ano bang course nya Auntie? (tanong kay nanay)
Nanay: Ano na nga ba ngayon Dayo? Hindi ko na rin alam eh.
Mama Tess (Tita ko, at oo Mama ang tawag ko sa lahat ng kapatid ni Mama): Entrepreneurship 'nay.
Lola: Ah, ano ba yun? Anong trabaho mo pagkatapos.
Ako: Magnenegosyo po.
Tita: Parang commerce din?
Ako: Opo.
Tita: Ah, parang commerce din, pinaganda lang pakinggan.
Ako: Opo, pinahirap lang ang spelling.

Sabay sabay tayong magtulos ng kandila at hilingin na sa susunod na taon eh parehong kurso at eskwelahan pa rin ang isasagot ko kung may magtanong uli sa akin. Kasi kung hindi, baka mameke nanaman ako ng lagnat para hindi piliting umattend next year.