Jan 26, 2008

Narito na kapatid ang babago sa buhay mo!

Kasama ko sila Mark at Mikhail noong isang araw. Hindi ko madalas makita ang dalawang kaibigan kong yun dahil madalas silang busy at pareho silang Bibbo kids. Si Mark ay pulitiko sa eskwelahan namin at bida sa iba't ibang activities tulad ng paggawa ng bahay,pagsave kay mother earth, pambababae, pagpapacute sa mga 1st year at ilan pang importanteng mga bagay. Si Mikhail naman ay abala sa VCF, sa munisipyo bilang legislative assistant at sa mga negosyo niya na unan, pampatulog, pharmacy, graphic design, dvd, pasaload, cook, yaya, lava. Ako naman ay madalas ding abala sa, ah. Pagaaral? Edit ko na lang mamaya. Marami silang opinyon sa politics, current events, gadgets, at media at marami naman akong alam sa.. ahh. Edit ko na lang din mamaya. Minsan ay intelektwal ang pinaguusapan namin kaya madalas ay nagkukunwari na lang akong nakakasunod kahit minsan ay wala akong alam o pakialam sa tatakbong presidente sa 2010 o sa pamamalakad ng mga opisyal sa Tuguegarao. Hindi ko alam kung paano nila natatagalan ang kababawan ko. Wala kaming pinagkakasunduang mga bagay pero masaya kami laging magkakasama.

Hindi ko na maalala kung paano napunta sa relihiyon ang usapan namin. Nabanggit ko tuloy ang isa sa mga lihim na pangarap ko na hindi ko pa natutupad. Bago ko sabihin yun ay iisa-isahin ko muna ang mga natupad ko na.

Una ay ang magpamigay ng leaflets sa mall. Nagawa ko na 'to dati sa RP sa Ermita. Kinuha ko lahat ng leaflets ng Burger King sa Dapitan (na bookstore na ngayon. Mas kailangan ng burgers ng mga estudyante kaysa sa libro mga sira!) saka ko binaon sa RP. Naalala ko pa ang excitement ko noon. Mabilis kong naubos ang mga leaflets kahit pa may ilang tumangging tanggapin ang pinamimigay ko. Kung sa palagay niyong hindi pa kayo nakakasubok ng rejection ay subukan ninyong magpamigay ng leaflets.

Pangalawang pangarap ko naman dati ay ang maging elevator operator. Natupad ko na rin 'to ng minsang mag-host kami ng seminar sa CFAD building ng uste. Dahil late nanaman ako ay nasa itaas na ang mga kaklase ko para sa seminar ng makarating ako sa lugar. Pagpasok ko ng elevator ay saktong walang nakaupo sa upuan ng operator. Hindi ko alam kung may elevator operator talaga sila o hulog talaga ng langit ang upuan dun. Saktong hindi ako naka-uniform ng araw na yun kaya siguradong hindi ako mapapagkamalang estudyante. Naka necktie kasi ako para sa seminar, medyo overdressed para maging elevator operator pero pwede na rin. Nakailang akya't baba pa lang ay nagsawa na ako. Sa maikling panahong 'yon ay nakaramdam ako ang weird sense of control ko sa mga nakasakay at nakarinig ng ilang putol ng kuwento ng mga estudyante tungkol sa mga propesor at kaklase nila. Parang malungkot ang trabahong yun. Andun ka lang maghapon, manik-manaog. Ang tyansa mo lang na makapagusap ay pag sinabi ng pasahero ang palapag na destinasyon nila. Hindi pa nga yun matatawag na conversation dahil wala naman talagang masyadong pwedeng isagot sa mga salitang "3rd floor." Pano mo naman bibigyan ng variety ang sagot mo? Hindi ka naman waiter para sabihing "excellent choice sir" o kaya jeepney driver para sabihing "third floor? seven fifty boss pag estudyante." Hindi ka din lrt2 para aliwin ang sarili mo sa pagsabi ng "We are now reaching the third floor, paparating na sa ikatlong palapag. Next floor, 4th floor. Susunod, ika-apat na palapag."

At ang panghuli nga ay ang nabanggit ko sa kalagatnian ng pagkain namin ng pizza nila Mak at Mik noong isang araw. Ang pagtatag ng sarili kong relihiyon! Kumikitang kabuhayan talaga yon. Isang kasal isang araw, solb na. Malabo pa ang plano pero ang pangalan ng samahan na itatatag ko ay ang Abadista. Minungkahi naman ni Mik na kanta para sa aking samahan ay "Abad namin" Iniisip ko din kung puwede ang "Abad ginoong Mari....mar, aw!" Alam kong ngayon pa lang ay gusto niyo nang makisapi pero hindi pa plantsado ang plano. Sasangguni muna ako sa katolikong eskwelahan ko kung pwede akong magtatag ng sarili kong samahan. Sa ngayon ay diyan muna kayo sa sariling ninyong relihiyon.

Jan 21, 2008

Master

Lumipat nanaman ako ng kwarto sa boarding house namin. Nabakante kasi yung malaking kwarto na may connection ng cable tv. Pangatlong lipat ko na 'to ng kuwarto. Nakakapagod. Wala man lang nagbalak na tumulong sa akin dahil sa walang kakuwenta kuwentang rason,

"Ang laki laki mo, kaya mo na yan."

Walangya, lagi na lang 'yang mga komentong yan ang naririnig ko. Sa kalye habang naglalakad ako ay laging may mga batang kung makatitig sa akin ay pakiramdam ko para akong karakter na lumabas sa telebisyon o sa computer game. Nang bata pa ang mga pinsan ko at bulol pa ay "master" ang tawag nila sa akin. Wow, bossing pigyur talaga ako. Yun pala ay hindi lang nila masabi ang monster. Halimaw naman oh! Kaya pala pag palapit ako ay nagsisigawan sila ng

"Master! Master! Jan na sha!"

Ibang klase talaga ang lahi ko, nauuna pang matutong mangutya ang mga bata bago matuwid ang dila.

Hindi lang pambata ang appeal ko, mabenta din ako sa mga grown-ups. Dahil siguro bihira ang 'sing laki ko dito sa probinsya ay talagang sagana ako sa atensiyon. Di ko na mabilang kung ilang beses ko ng narinig ang pagkagulat ng mga tao pag nakasalubong nila ako. Napapalingon ang lahat. Ngayon alam niyo na na may isa pang paraan para maging head-turner bukod sa pagkakaroon ng pang artistang dating. Magpataba kayo, tignan ko lang kung hindi madama ng sobra ang presence niyo. Literal. Kaya masaya ako sa timbang ko.

Madaming stereotypes sa mga matataba. Pag mataba daw maliit ang patotoy. Pag malaki naman daw ang sapatos ay malaki rin ang alaga. Kalokohan yan pareho! Mataba ako at malaki ang sapatos ko, size 12. Pero baka totoo yan pareho at nabalanse lang ng sukat ng sapatos ko ang sumpa na kakabit ng timbang ko. Ewan. Kung kailangan ninyo ng pruweba ay itext niyo lang ako at papadalhan ko kayo ng mms picture. Nang sapatos ko! Dumi ng utak nito. Isa pang laganap na stereotype ay ang matataba daw tamad. May isang pagkakataon na hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa pahayag ng nanay ng ex ko.

"Yan ba ang boypren mo? Mataba. Tamad yan anak. Tamad yan."

Tama naman siya kaya wala akong angal ng ikuwento yan sa akin. Ayos sa first impression 'no? Pero natutunan rin naman niya yata akong magustuhan dahil tinawag niya akong anak minsan. Noong nagbreak na kami ng anak niya. Yun lang pala ang hinihintay niya para magustuhan ako.

Isa pang hindi ko maintindihan ay kung bakit nabibigla ang mga tao pag nakita nila akong umiyak. Minsan pagkatapos kong ibalita sa nanay ko sa pamamagitan ng telepono na umani ako madaming singko at kailangan ko ng maghanap pa ng bagong eskwelahan ay di ko mapigilang maiyak dahil sa sinabi niya. Sinabi niya na ayos lang daw yun at kailangan ko lang hanapin ang gusto ko. Wala daw mangyayari kung sisisihin niya ako. Pagbutihin ko na lang daw talaga sa susunod at pinaalahanan ako na hindi lahat ay may pangalawang pagkakataon. Hindi ko mapigilang maiyak sa sobrang pagkamaintindihin ng nanay ko. Lumabas ako sa kwarto na halatang kaiiyak at sinalubong ng tawa ng pinsan ko. "Umiyak ka ba? Hahahahahahaha. Ang laki laki mo hindi bagay sa'yo." Kanino ba bagay ang pagiyak? Sa mga payat? Pati ba naman ang pagiyak naimpluwensiyahan na rin ng fashion? Ga-master naman na kabadtripan yan oh!

P.S.
Ang tumawag sa aking ng Master sa comment niya ay kakainin ko ng buhay gamit ang malaki kong kamay, matatalim na ipin at bungangang kulay green at naglalaway habang nakititig ang aking nanlilisik at malalaking mata na may nagpuputukang ugat. Sige! Maglakas loob ka.

Jan 17, 2008

Pray for us, seryoso.

Nakaka-anim na Theology na ako, at dahil iba ang course description ng mga nakuha ko na ay kailangan kong kumuha ng anim pa dito sa St. Paul. Sa dami nun ipaglalaban kong makagraduate ako ng dalawang kurso, entrep at pagpapari. Walang tao sa classroom pag pasok ko sa Theology class ko noong isang araw. Asa labas ang lahat ng kaklase ko kasama ang daan daan pang mga estudyante. May namatay daw na madre dahil sa sakit kaya wala kaming klase. Nagtitipon-tipon ang lahat sa harapan ng opisina na kinamatayan ng madre. Ilang minuto lang ay may dumating ng sasakyan na may dala ng kabaong.

Sa kagustuhan kong makiusisa ay lumapit din ako pero huminto na ng nakita ang mga kaklase at kaibigan ko sa mga upuan sa silong ng puno malapit sa opisina ng madre. Tawagin natin silang pare1, pare2, pare3 at pare4.

Pare1: Hoy walang klase.
Ako: Oo nga namatay daw yung madre, sinong madre ba yung namatay?
Pare1:Ewan ko, yung matanda.
Ako:Sino nga?
Pare1:Yung matanda.
Pare2:Dalawang araw lang daw yung lamay pag ganyan e.
Pare3:Sana dalawang araw tayong walang klase!
Pare2:Kahit bukas lang ng maga.
Pare4:Huwag may pasok kami ng hapon bukas, i-whole day na sana.
Ako:Kanina pa kayo dito?
Pare4:Oo.
Ako:Anong ginagawa natin dito?
Pare4:Nakatambay.
Pare3: Cool dito eh.

May dumating na babae naming kaklase, tawagin natin siyang gurr. (ganyan i-pronounce ng kapatid ko ang girl)

Gurr: Oh, bakit andaming tao?
Pare3: May namatay na madre.
Gurr:Eh? Hindi nga?? Bakit?
Pare3: Nasagasaan.
Pare4:Oo, yang Toyota na naka-park diyan ang nakasagasa.
Pare4:Hindi nasagasaan ng roller blades.
Gurr:Peste, namatay talaga yung madre.

Nagannounce na magkakaroon daw ng misa.
Takbuhan palabas ng school ang maraming tao, pati kami. Pray for us.

Jan 14, 2008

Masaya ka ba?

Mahirap magbalik-tanaw at sabihin kung kailan ang huling beses akong naging masaya. Bilang tao, malaki ang posibilidad na nakangiting aso lang ako sa mga pagkakataong inakala ng iba ay tunay akong maligaya. Minsan pati ako ay naniwala sa sarili kong mga palabas. Natural nga siguro para sa atin na magastang masaya at maayos para lang makapantay sa larawan ng saya na nakikita natin sa ibang tao. Gayunpaman, palihim nating alam na sa likod ng masasayang larawan na pilit ipinapakita sa atin ng mga taong kinaiinggitan natin ay nagtatago rin ang bihis na bihis na kalungkutan. Sino ba kasi ang nagsabi na kailangan natin maging masaya? Bakit natin iniisip na ang sukatan ng buhay ay ang dalas ng pagkakataong naging masaya tayo?

Habang ka-text ko ang kaibigan ko noong isang araw ay nasabi ko na parang masaya ako. Nang tanungin niya kung bakit ay hindi ko kaagad nasagot. Ngayon ko lang siguro naisip ang dahilan kung bakit ko nasabi 'yon. Iba ito sa nararamdaman ko sa tuwing susubukin kong makalimot sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagay habang pinaniniwala ang sarili ko na sapat na 'yon para maging masaya. Iba rin sa pakiramdam na may nagawa akong hahangaan ng mga kaibigan o mga kaklase ko. Hindi rin ito tulad ng saya na dulot ng ideya na may babaeng nagkakagusto at nangangailangan sa akin o ng ideya na may ginagawa akong tama para sa iba. Hindi rin ito ang uri ng saya na nararamdaman ko sa tuwing napapatunayan ko ang halaga ko sa mundo.

Nitong mga huling araw ay namuhay ako na ang tanging laman lang ng aking isipan ay kung saan ako kakain ng tanghalian at kung ano ang gagawin ko para hindi maubos ang araw ko katutulog. Nang nakaraang linggo ay madalas dalawang oras lang ang kailangan kong ilagi sa eskwela. Wala pang cable ang tv sa kwarto at naiwan ko ang charger ng laptop. Napilitan akong magbasa dahil sa kawalan ng paglilibangan. Alam kong abala ang mga kaibigan ko kaya't wala akong maayang lumabas. Hindi ko rin naaabutan sa eskwela ang mga madalas kong kainuman. Tuwing hapon ay tumatambay ako sa isawan sa harap ng bahay at paminsan-minsan ay nakikipagkuwentuhan sa mga tambay na hindi ko naman alam ang pangalan. Sa loob ng matagal na panahon, itong linggo lang na ito lang ako hindi nakadama ng pangangailangan na maging abala, na makipagkita sa mga kaibigan o aliwin ang sarili ko sa pamamagitan ng mga nakasanayan kong gawin. Payapa at tahimik ang aking isipan.

Hindi ako sigurado kung tama ako ng sabihin ko sa aking kaibigan na masaya ako. Maaring nalito lang ako at ginawang magsingtulad ang kawalan ng gagawin at kasiyahan. Pero doon ko nakita na masyado tayong maraming ginagawa at masyado tayong maraming iniisip na kailangang patunayan. Namumuhay tayo sa sukatan na ginawa ng ibang tao para sa atin. Madalas nating tanungin ang sarili natin kung masaya nga ba tayo. Sa maraming pagkakataon na hindi natin nagustuhan ang sagot ay kaagad tayong magiisip ng mga bagay o mga tao na tutungtungan natin para maabot ang kasiyahan. Bihirang magtugma ang taas ng ating layunin sa taas ng narating na natin. Sa oras na magtagpo ang dalawang iyon ay tatanungin nanaman natin kung masaya tayo hangang sa bumalik ang sagot na hindi. Doon ay magsisimulang muli ang siklo ng paghahanap natin ng saya.

Laging may kulang. Hindi lahat ng hangarin natin ay magiging totoo. Kung kaya lang nating tanggapin ang mga ito ay baka mas maging mahimbing ang tulog natin sa gabi. Hindi ito tanda ng pagsuko ngunit tanda lang ng pagtanggap natin sa katotohanan ng buhay. Hindi iikot ang mundo na tugma sa kahilingan mo pero kaya mo itong sabayan at pakinabangan. Wala pa akong gaanong alam, at marahil ay umiling ka sa ilang bagay na nabasa mo. Gayunpaman, naniniwala ako na ang buhay ay hindi dapat sukatin sa mga oras na naging masaya tayo dahil mababalewala ang iba pang nating karanasan na 'sing halaga din ng saya. Sa tuwing mararamdaman mong malungkot ka at mapansin mong may kulang sa buhay mo ay wala kang dapat ikabahala. Ang ibig sabihin lang nito ay buhay ka at dapat isipin na hindi ka nagiisa. Minsan, para maging masaya tayo, kailangan lang natin tanggapin na hindi sa lahat ng oras ay maaari tayong maging masaya.

Jan 12, 2008

Hindi ito gimik


Kailangan ko lang gamitin yang title kasi alam kong bihira lang ang sumeseryoso sa sinusulat ko.

For more info please visit Kat's blog at tissuepaperworld.pansitan.net

Jan 7, 2008

Exam week

Exam week namin ngayon. Sa dati kong eskwelahan ay "hell week" ang tawag ng iba sa exam week. Nakasalamin ang mga bibbo, walang kolorete sa mukha ang mga babae at hindi tusok tusok ang buhok ng mga lalaki. Sa linggong ito pwedeng masukat ang kahandaan ng mga estudyante sa kapal ng kanilang eye bags at sa dami ng bitbit nilang libro. Sa ibang unibersidad nga raw ay hindi na maharap maligo o magbihis man lang ng ilang estudyante. Kaya nga siguro hell week ang tawag dahil nagkalat sa campus ang mga zombie na mukhang bumangon mula sa hukay.

Sikat na tambayan ng mga estudyante ang kapihan, convenience stores at mga fast food na bukas bente kwatro oras para magreview. Tanong nga ng propesor ko dati ay, wala daw ba silang sariling mga kwarto na pwede nilang gamitin para makapagbasa ng tahimik? May mga
pampublikong lugar naman talagang akma para sa pagaaral tulad ng mga kapihang malapit sa eskwelahan o malayo sa mga sikat na gimikan. Sa mga lugar na gaya ng nabanggit ko ay pwede kayong makiusap sa mga kasabay ninyo na hinaan ang mga boses kapag naguusap dahil nakakaabala sila sa inyo. Pero kung may balak kang magaral sa mga kapihan sa kilalang puntahan ng mga tao para mag-party at magingay ay huwag kang magrereklamo kung may nakakaabala sa'yo, pwera na lang kung naghahanap ka talaga ng away.

Hindi ko alam kung paano nagagawang magaral ng iba sa pampublikong lugar. Hindi pwede sa akin ang ganon. Mukha kasi akong tanga pag pinipilit kong intindihin ang mga binabasa ko. Kung may kasabay naman akong magaral ay makikipagkuwentuhan lang ako hangang sa makalimot na kaming pareho na may exam kinabukasan. Hindi tuloy ako naiimbita ng mga kaibigan kong sumama sa kanila para magkape habang nagrereview. Isang beses lang akong nakasama sa gimik habang hell week noong minsang gusto daw nilang manood ng sine at magpahinga muna sa pagbabasa. Hayup. Saka lang ako maaalala pag labas na sa pagaaral ang lakad.

Mistulang may grand assembly ng mga tamad sa klase ang mga photocopy centers tuwing exam. Sa mga panahong tulad nito bida ang mga masisipag magsulat. Kapag hindi mo sila kaibigan ay magdasal kang may kaibigan kang kaibigan din nila dahil yun lang ang pagasa mong magkaroon ng kopya ng mga notes na kailangan mo para makapagaral. Bida rin ang mga masipag magdala ng USB flash drives at walang takot na kumukopya ng mga presantations ng propesor ng walang pahintulot. Paano kaya kung ipagbawal ang photocopy machines at anumang makina o paraan na makakapangopya ng mga dokumento sa Pilipinas bukod sa sariling sulat kamay? Mababawasan siguro ang mga magaaral sa Pilipinas at baka isa na ako sa mga matagal ng tumigil sa pagaaral.

Para sa mga katulad kong may exams ngayong linggong ito, anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat nagrereview ka? Dapat inuuna mo ang pagaaral kaysa sa pagiinternet.

Expected comment:
bakit ikaw nagboblog ka, hindi ba dapat nagrereview ka rin?

Jan 6, 2008

Tagnamo

Hindi ako nagmumura. Sasabihin ko lang na ang mga tags na hindi ko pa nasasagot ay sinagutan ko na sa tagnamo.blogspot.com. Kung may mga tags pa kayo ay isend niyo lang sa akin.

Maraming nagsabi na masyado raw akong mapili sa Gelpren kaya inedit ko na ang qualifications. Iisa pa lang kasi ang nagaapply, wala pa yata sa katinuan. Sana ngayon ay swertehin na ako.

Jan 3, 2008

Job Vacancy

Ilang araw na ring nakikipagtaguan ang araw sa bayang ito. Sabi nga ni pareng Ice ay extreme Tuguegarao daw ang Tuguegarao. Napakainit sa maraming bahagi ng taon pero pag dating ng Disyembre at Enero ay mangangailangan ka ng makapal na kumot para labanan ang lamig ng gabi. Rason na para sa ibang tao ang kalagayan ng panahon para maging malungkot. Dahil sa ginaw at dahil may bago na talaga siya, ay lalong ipinamumuka sa'kin niyang si universe na magisa nanaman ako sa mga panahong kailangan ko ng kayakap. Buti na lang ay napakatalino ko at hindi ako desperado kaya naisip kong i-post ito:





WANTED: GELPREN

Qualifications:

-Female (It doesn't matter if you weren't before, as long as you are now)
-preferably single
-at least 5' 4"in height
-18-22 yrs. old
-living away from parents
-just a little out of my league
-excellent communication skills
-wiiling to work as a personal alarm clock and organizer
-knowledge in web design and/or cooking is an advantage
-no experience required
-experience in babysitting would be helpful
-able to handle my mood swings
-must, at all times, look pretty in public esp. around my friends
-must be patient, understanding and accepts "jan lang" and "ewan" as decent responses.
-low maintenance and willing to split the bill once in a while
-applicants must be willing to work in Tuguegarao or wherever I find convenient
-must be willing to work in extended periods. Who am i kidding?
-must be willing to work on graveyard shifts, holidays and weekends
-naliligo
-walang sakit
-marunong gumamit ng cellphone

Requirements:

-NSO birth certificate
-NBI or Baranggay clearance
-4 passport size pictures
-Curriculum Vitae
-duly accomplished application form
-recommendation letter from a past boyfriend (if available)
-certificate of good moral character, not valid without the school's dry seal(for students)
-kindatan mo lang ako solb na.

This is a limited time offer only. There are only two slots left.
For a copy of the application form in pdf or word format and my home address email me at:
or at:
Leave a comment for referrals or inquiries.


Matapos kong basahin ay ngayon ko lang napagisip-isip kung gaano kahirap ang trabahong ino-offer ko. Kaya sa rason kung bakit matagal na bakante ang posisyong yan, saludo ako sa'yo. Salamat.

Jan 1, 2008

Nakikiuso

Dahil bagong taon na ay kailangan kong maging-in at gumawa din ng post tungkol sa pagbabalik-tanaw, resolutions, bagong simula, prediksyon at sa kung anu-ano pang mga bagay na idinidikit natin sa new year.

Unahin na natin ang mga bagay na natutunan ko sa taong 2007. Una diyan ay ang mga mahahalagang leksiyon sa buhay tulad ng kailangang doble ang ibayad ko sa tricycle pag hapon kung gusto kong makauwi kaagad. Higit pa roon, natutunan ko ring kahit saan man ako mapadpad ay kakayanin kong harapin ang mga pagsubok sa araw araw sa tulong ng Diyos, pamilya, mga kaibigan, tamang kabobohan at isang kahong pancit canton. Nalaman ko rin na sa lahat ng pagkakataon ay pagkakalooban ka ng Diyos ng mga kaibigan sa panahon ng pangangailangan. Sa ganoon ding paraan natutunan ko na may mga bagay na ako lang ang maaaring gumawa at hindi pwedeng iasa sa iba. Hindi naman lahat ng nadiskubre ko ay maganda. May nagsabi sa akin na hindi raw totoo si Santa Claus. Muntik na talaga akong maniwala. Napansin ko ring paikli ng paikli ang pasensiya ko at hindi ko pa rin makayang seryosohin ang mahahalagang mga bagay sa lahat ng pagkakataon.

Isa pang usong-uso tuwing bagong taon ay ang mga prediksiyon at mga gawaing pinaniniwalaang maghahatid ng swerte sa atin. Araw araw na lang ay pinuputakte ang tv ng mga manghuhula at mga experts sa kung anu-anong pampaswerte para tayo ay pagkakitaan. Hindi naman siguro masamang pakinggan ang mga ito pero nababadtrip talaga ako. Lalo na sa mga manghuhulang nagmamagaling na tumama daw ang prediksyon nila noong isang taon. Kaya ko rin namang manghula. Para ano pa't patay na patay ako kay madam Auring. Ang hirap naman sikmurain ng sinabi kong yun. Hindi ko kailangan ng crystal ball o kahit crystal meth para manghula.

Sa showbiz:
  • Isang young actress ang mabubuntis ng isang mayamang pulitiko.
  • Sikat na couple maghihiwalay dahil makakabuntis ng isang young actress ang asawang pulitiko.
  • Isang news anchor, lilipat sa kabilang istasyon.
  • Dating matinee idol aamin sa totoong kasarian.
  • Isang Pinoy Indie film, aani ng parangal mula sa iba'tibang bansa.


Ekonomiya:

  • Presyo ng dolyar, patuloy na bababa.
  • SM magbubukas uli ng mga malls. Henry Sy, hindi titigil hangang hindi nalalamangan ng SM ang dami ng mga municipal halls sa Pilipinas.
  • OFW patuloy na madadagdagan.
Pulitika:

Walang magbabago. Next!

Edukasyon:
  • 30 % ng pangunahing mga unibersidad ang magtataas ng tuition fee.
  • UP, magrarally.
  • Budget para sa mga pampublikong paaralan babawasan.
  • UP, magrarally.
Isports:
  • Manny Pacquiao, patuloy na yayaman.
  • NU bulldogs, mananalo laban sa UST growling tigers.
  • PBA superstar magpapakasal sa sexy star na girlfriend.
Sa blogosphere:
  • Dalawang magkaibigang bloggers magkakatuluyan, relasyon ililihim.
  • Isang sikat na blogger, kakalat ang sex video sa youtube.
  • Isang bagong anonymous blogger ang sisikat.
  • Hiatus, lalaganap.

Meron din akong mga tips para sa bagong taon.

  • Swerte sa bagong taon ang bilog. Pag naubos ang bilog at wala pa kayong tama ay magpabili na lang ng 4x4. Wag sosobrahan ang paginom ng bilog o 4x4 dahil kung hindi ka mabugbog sa daan ay misis o nanay mo namag ang gugulpi sa'yo.
  • Hindi totoong kailangan buksan ang pintuan pagdating ng alas-dose ng hating gabi ng bagong taon para sa maayos na daloy ng swerte. Pulbura at usok lang ang papasok sa bahay ninyo pag ganun.
  • Wag maniwala sa sabi-sabing nakakatulong sa pagtangkad ang pagtalon sa hating gabi ng bagong taon. Hindi ko naman ginagawa yun tumangkad pa din ako.
  • Sa pagibig, tignan kung compatible ang mga signs mo at ng iyong kapareha. Kung ikaw ay lalaking Capricorn, magingat sa mga Whore.
  • Swerte ang kulay orange kung makakasalubong ka ng sasakyang walang ilaw sa gabi. Iwas disgrasya. Iwasan ang kulay itim.
  • Hindi rin swerte ang pagaalaga ng daga kahit na year of the rat pa ang 2008.
  • Ang mga mamahaling crystals na pampaswerte ay malaking kalokohan. Maari itong maging simula ng sakuna lalo na kung suot mo ito sa Quiapo ng nagdidilim.
  • Swerte ang mga numerong 6 at 9 sa mga magsyota.
  • Ilan sa mga pinanganak noong 1987 amg gagraduate sa kolehiyo. Walang pakisama ang mga walangya.

Kung hindi man ako makagraduate ay magpapakuha na lang ako ng isang lamesa sa tapat ng Quiapo church. Singkwenta bawat hula.

Isang masayang bagong taon sa lahat! Para sa isa pang taon ng pakikipagkuwentuhan sa harap computer screens, tagay!